MANILA, Philippines – Apat na bansa sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN), kasama ang United Arab Emirates (UAE), ang nagpahayag ng suporta sa planong regional oil stockpiling upang matiyak ang sapat na suplay ng langis sa panahon ng krisis.
Ayon kay Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque na kabilang sa mga sumusuporta sa inisyatiba ang Pilipinas, Singapore, Indonesia at Malaysia.
Nagpahayag din ng interes ang UAE na mag-imbak ng langis sa mga bansang may sapat na pasilidad para sa oil storage.
Layunin ng panukala na magkaroon ng reserbang langis sa loob ng rehiyon upang mas mabilis na matugunan ang kakulangan sa suplay at mabawasan ang gastos sa transportasyon at logistics.
Sinabi ni Roque na maaaring simulan ang programa kahit hindi pa kasali ang lahat ng 11 miyembro ng ASEAN, habang maaari namang sumali ang iba pang bansa kung kinakailangan.
Natapos na rin ng Economic Research Institute for ASEAN and East Asia (ERIA) ang pag-aaral tungkol sa panukalang oil stockpiling, na isusumite sa mga bansang kasapi para sa pagsusuri at pag-apruba.
Gayunman, nilinaw ng DTI na hindi pa operational ang programa at wala pang tiyak na petsa ng pagpapatupad nito.
Ang inisyatiba ay bahagi ng isinusulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pagpapalakas ng seguridad sa enerhiya sa rehiyon kasunod ng mga pagkaantala sa pandaigdigang suplay ng langis dahil sa tensyon sa Middle East.
Inaasahang makatutulong ang regional oil stockpiling upang mabawasan ang epekto ng supply disruptions sa mga negosyo at mamimili, bagama’t nakadepende pa ito sa magiging pinal na kasunduan ng mga kalahok na bansa. RNT