Home NATIONWIDE Koleksyon ng Port of Clark lampas sa target ng P104M

Koleksyon ng Port of Clark lampas sa target ng P104M

1
0

MANILA, Philippines – Nalampasan ng Port of Clark ang target nitong koleksyon para sa unang anim na buwan ng 2026 matapos makalikom ng P2.765 bilyon, ayon sa Bureau of Customs (BOC).

Sa inilabas na ulat nitong Sabado, sinabi ng BOC-Port of Clark na lumampas ito ng P104.71 milyon sa itinakdang revenue target para sa first semester ng taon.

Bukod sa mataas na koleksyon, nakapagsagawa rin ang pantalan ng pinaigting na kampanya laban sa smuggling sa pamamagitan ng paglalabas ng 51 Warrants of Seizure and Detention, na nagresulta sa pagkakasamsam ng mga kontrabando na nagkakahalaga ng mahigit P614 milyon.

Ayon kay District Collector Jairus Reyes, malaking bahagi ng tagumpay ng Port of Clark ang matibay na ugnayan nito sa Customs Industry Consultative and Advisory Council, Clark Development Corporation, LIPAD Corporation, at mga air express cargo operators.

Dahil sa mga kolaborasyong ito, napalawak ang cargo connectivity sa paggamit ng commercial flights ng FedEx at UPS, naipatupad ang MRO-FAST (Maintenance, Repair, and Overhaul – Facilitated Access for Services and Trade) customs procedures, at higit pang napabilis ang customs processes upang suportahan ang layuning gawing pangunahing air express sorting hub sa Asya ang Clark.

Sinabi rin ni Reyes na patuloy na isinusulong ng BOC ang kultura ng inobasyon sa ilalim ng Integrity, Accountability, and Modernization (IAM) Movement ni Commissioner Ariel Nepomuceno.

Kabilang sa mga isinagawang reporma ang paggamit ng Deliverables Tracker, isang real-time digital dashboard para sa mas mahusay na monitoring ng mga operasyon, gayundin ang QR code-enabled access sa customs forms at documentary requirements.

Kasalukuyan ding binubuo ang Clark app, na magsisilbing one-stop digital platform para sa customs procedures, forms, citizen’s charter, announcements, at iba pang serbisyo.

Pinalawak din ng Port of Clark ang serbisyo nito sa pamamagitan ng Zero Pending Entries and Transactions Policy, pagpapahaba ng processing hours hanggang alas-7 ng gabi, operasyon tuwing weekend at holidays, at regular na pakikipagdayalogo sa mga stakeholder.

Nagpatupad din ito ng kasunduan sa LIPAD Corporation at Korean Community Association in Central Luzon upang magtalaga ng mga Korean interpreter sa Clark International Airport para sa mas mahusay na pagtulong sa mga dumarating na pasahero. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here