Home NATIONWIDE DOLE nag-isyu ng guidelines sa mga bata sa entertainment industry

DOLE nag-isyu ng guidelines sa mga bata sa entertainment industry

1
0

MANILA, Philippines – Naglabas ang Department of Labor and Employment (DOLE) ng bagong guidelines upang matiyak ang proteksyon sa kapakanan, kaligtasan, at karapatan ng mga batang wala pang 15 taong gulang na kalahok sa entertainment at information industry.

Sa ilalim ng Labor Advisory No. 12, Series of 2026 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino, pinaalalahanan ang mga magulang at legal guardian na tiyaking nasusunod ang mga umiiral na batas sa pagtatrabaho ng mga bata sa pelikula, telebisyon, radyo, teatro, advertisements, at iba pang media platforms.

Ayon sa Republic Act No. 9231, ipinagbabawal ang pagtatrabaho ng mga batang wala pang 15 taong gulang maliban kung sila ay nagtatrabaho sa ilalim ng direktang pangangasiwa ng kanilang mga magulang o legal guardian at tanging miyembro ng pamilya ang kasama sa trabaho, o kung mahalaga ang kanilang partisipasyon sa public entertainment o information.

Binigyang-diin ng DOLE na kinakailangang kumuha muna ng work permit mula sa ahensya bago payagang magtrabaho ang isang batang wala pang 15 taong gulang sa mga nasabing gawain.

Saklaw ng public entertainment o information ang mga pagtatanghal at produksyon para sa telebisyon, radyo, pelikula, teatro, commercials, public relations campaigns, print materials, internet, at iba pang uri ng media.

Kasama rin dito ang online platforms gaya ng streaming services, social media, vlogs, digital advertisements, web series, web-based publications, at iba pang umuusbong na media.

Ayon sa DOLE, kabilang din sa saklaw ng batas ang audiovisual media na tinukoy sa Philippine Creative Industries Development Act, tulad ng mga pelikula, TV content, animation, vlogs, podcasts, recorded music, educational at edutainment content.

Kung ang bata ay lalahok sa content creation, sinabi ng DOLE na kinakailangan pa rin ang work permit kung saklaw ito ng umiiral na guidelines sa pag-iisyu ng permit para sa mga batang manggagawa.

Idinagdag ng ahensya na kung ang bata ay nagtatrabaho sa ilalim ng responsibilidad ng kanyang magulang o legal guardian sa public entertainment o information, mananagot ang mga ito sa pagsunod sa mga probisyon ng RA 9231 at ng implementing rules and regulations nito. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here