Home NATIONWIDE Sandiganbayan justice: Revilla may mahalagang papel sa P92.8M ghost flood control project

Sandiganbayan justice: Revilla may mahalagang papel sa P92.8M ghost flood control project

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Sandiganbayan Third Division Chairperson Associate Justice Karl Miranda na may “indispensable” o mahalagang papel si dating Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. sa umano’y maling paggamit ng pondo para sa isang P92.8 milyong ghost flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa kanyang dissenting opinion, hindi sumang-ayon si Miranda sa naging desisyon ng korte na payagang makapagpiyansa si Revilla sa kasong malversation of public funds.

Noong Biyernes, nakalaya si Revilla matapos aprubahan ng Sandiganbayan ang kanyang petisyon para sa piyansa, habang nanatiling nakakulong ang kanyang mga kapwa akusado na dating opisyal ng Bulacan 1st District Engineering Office (DEO) dahil itinuturing na matibay ang ebidensya laban sa mga ito sa kasalukuyang yugto ng paglilitis.

Ayon kay Miranda, hindi kinakailangang patunayan na personal na nakialam si Revilla sa deliberasyon ng Kongreso upang maipakita ang kanyang umano’y papel sa pagpapasok ng proyekto sa General Appropriations Act (GAA).

Aniya, maaaring kabilang dito ang mga hakbang na isinagawa bago pa ang pag-apruba ng pambansang badyet na naging daan upang maisama ang proyekto sa pondo ng pamahalaan.

Tinukoy rin ni Miranda ang umano’y “kalakaran” o kickback scheme sa Department of Public Works and Highways (DPWH), kung saan ginagamit umano ang mga proyekto bilang paraan upang mailihis ang pondo ng gobyerno.

Binanggit niya ang testimonya ng mga kapwa akusado na nagsabing si Revilla ang nagpanukala ng proyekto at humingi ng listahan ng mga proyektong popondohan mula kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo.

Ayon pa sa mahistrado, sinusuportahan ito ng mga dokumento, kabilang ang listahang may heading na “For Funding Sen. Bong Revilla”, na umano’y isinumite sa Programming Division ng DPWH.

Sinabi rin ni Miranda na napatunayan ng prosekusyon na naisama ang proyekto sa GAA sa pamamagitan ng errata na isinumite ng DPWH sa Kongreso.

Sa kanyang opinyon, bahagi ng umano’y sistema ang pagbibigay ng “commitment” o porsiyento ng halaga ng proyekto sa proponent kapalit ng pagpopondo o pag-priyoridad nito.

Binanggit din niya ang testimonya ng dating District Engineer Henry Alcantara na nagsabing 30% hanggang 35% lamang ng pondo ng proyekto ang naiiwan para sa aktuwal na implementasyon.

Ayon kay Miranda, ang papel ni Revilla bilang umano’y project proponent ay mahalagang bahagi ng sinasabing sabwatan upang mailihis ang pampublikong pondo.

Idinagdag pa niya na mahirap umanong ipaliwanag kung bakit nabigyan ng pansamantalang kalayaan si Revilla, na umano’y personal na nakinabang sa sinasabing katiwalian, habang nananatiling nakakulong ang kanyang mga kapwa akusado. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here