MANILA, Philippines – Inihain ni Northern Samar Rep. Niko Raul Daza ang panukalang naglalayong ipagpaliban ang barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Nobyembre 2026 dahil sa pangangailangan umano na magtipid ng pondo ng pamahalaan kasabay ng krisis sa kuryente at tumataas na halaga ng basic commodities,
Ipinanukala ni Daza, sa pamamagitan ng House Bill No. 10407, ang paglilipat ng eleksyon sa unang Lunes ng Nobyembre 2028 at pagpapanatili ng four-year term ng incumbent barangay at Sangguniang Kabataan (SK) officials.
Sinasabi rin sa panukala na ang mga susunod na barangay at SK elections ay gagawin tuwing apat na taon.
Sa ngayon ay naghahanda na ang Commission on Elections (Comelec) para sa eleksyon sa Nobyembre.
Sinabi ni Daza sa kanyang explanatory note na ang hakbang ay magbibigay-daan sa pamahalaan na isaprayoridad muna ang limitadong financial resources ng bansa na patuloy na humaharap sa banta ng krisis, at mga epekto ng tumataas na presyo ng produktong petrolyo, kuryente, transportasyon, food prices, at iba pang essential goods.
Aniya, ang Department of Budget and Management ay nagpatupad na ng government-wide austerity measures upang masigurong ang pondo ng publiko ay mapupunta sa priority programs kabilang ang fuel subsidies, food security initiatives, livelihood assistance, at transportation support.
Iginiit ni Daza na ang panukalang pagpapaliban ay hindi para ipagkait sa mga Filipino ang karapatang makaboto, bagkus ay pag-reschedule lamang ng eleksyon bilang tugon sa kasalukuyang economic at energy situation ng bansa.
Sa ilalim ng panukala, ang lahat ng incumbent barangay at SK officials ay mananatili sa opisina sa ilalim ng holdover provision hanggang sa maihalal ang papalit sa kanila.
Ang holdover period ay hindi naman ikokonsidera bilang karagdagang termino para sa term-limit rule.
Kung maisasabatas, ang mga opisyal na mahahalal sa November 2028 BSKE ay uupo sa pwesto sa Disyembre 1, 2028.
Inaatasan din ng panukala ang Comelec at Department of the Interior and Local Government na bumuo ng implementing rules and regulations kung maisasabatas ang panukala. RNT/JGC