Home NATIONWIDE OPAPRU bukas sa pagbabalik ng peace talks sa CPP-NPA

OPAPRU bukas sa pagbabalik ng peace talks sa CPP-NPA

1
0

MANILA, Philippines – Bukas ang pambansang pamahalaan sa muling pagsasagawa ng peace talks sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), basta’t kapwa layunin ng dalawang panig ang makamit ang pangmatagalang kapayapaan at walang nakatagong agenda.

Ayon kay Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) Secretary Mel Senen Sarmiento, nananatiling tapat ang administrasyong Marcos sa pagsusulong ng kapayapaan habang ipinagpapatuloy ang kampanya laban sa insurhensiya.

Aniya, handa ang gobyerno sa dayalogo sa sinuman, ngunit dapat ay pareho ang layunin ng magkabilang panig na makamit ang tunay na kapayapaan at magkaisa sa paglaban sa kahirapan.

Bagama’t sinabi ng OPAPRU noong 2024 na nananatiling umaasa si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na maisusulong ang isang kasunduang pangkapayapaan bago matapos ang kanyang termino, binigyang-diin ni Sarmiento ang malaking pagbabago sa sitwasyon sa mga dating apektadong lugar.

Ayon sa kanya, sa kanyang mga pagbisita sa iba’t ibang bahagi ng bansa, mismong mga residente ang nagsasabing naging mapayapa na ang mga lugar na dati’y apektado ng kaguluhan at ang pangunahing pangangailangan na ngayon ay mga kalsada, tulay at iba pang proyektong pangkaunlaran.

Sinabi rin niya na dahil sa pagtutulungan ng Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP) at mga lokal na pamahalaan, mas naaabot na ng mga opisyal ang mga komunidad na dati’y delikadong pasukin.

Dagdag pa ni Sarmiento, bagama’t mayroon pang nalalabing mga miyembro ng armadong grupo, maliit na lamang ang kanilang bilang at patuloy ang pagsuko ng mga dating rebelde.

Itinuring din niya na isa sa pinakamabisang hakbang ng pamahalaan ang localized peace engagement, kung saan nangunguna ang mga lokal na pamahalaan sa pakikipagdayalogo sa mga rebelde sa kanilang nasasakupan.

Aniya, nakabatay ang estratehiyang ito sa 1987 Constitution, Local Government Code of 1991, at pinalakas pa ng Executive Order No. 70, na nagsusulong ng whole-of-nation approach sa pagwawakas ng lokal na armadong tunggalian.

Ipinaliwanag ni Sarmiento na mas epektibo ang mga gobernador at alkalde sa paghikayat sa mga rebelde na sumuko dahil mas kilala nila ang kanilang mga komunidad at pamilya ng mga ito.

Dagdag pa niya, pinananatili ng pamahalaan ang kapayapaan sa pamamagitan ng paghahatid ng imprastraktura, pangunahing serbisyo, at iba pang programang pangkaunlaran sa mga dating apektadong komunidad sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at civil society. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here