Home NATIONWIDE Tamang moral values, susi sa kaunlaran ng bansa – Cayetano

Tamang moral values, susi sa kaunlaran ng bansa – Cayetano

2
0

MANILA, Philippines – Nakasalalay ang pangmatagalang pag-unlad ng Pilipinas sa pagwaksi sa maling pagpapahalaga o values na nakaugat sa lipunan at sa pagtataguyod ng kulturang malinaw kung ano ang tama at mali.

Ito ang binigyang diin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa kanyang Kontra-SONA nitong July 28, 2026, isang araw matapos ang State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo.

“Bakit mahirap ang ating estado? Ano ba ang pumipigil sa ating bansa?” tanong ni Cayetano. “Ang problema, kultura.”

Diin ni Cayetano, itinuturo man ang tamang asal at pag-uugali sa mga paaralan at simbahan, mas ginagaya pa rin ng mga bata ang nakikita nila sa lipunan.

“Children learn by what they see, what they experience, not by what they are taught,” aniya.

Inihalimbawa ni Cayetano ang laban kontra korapsyon kung saan malayo ang sinasabi ng lipunan sa mga gawaing kinukunsinti nito.

“We have to address corruption. But we have to address the culture of corruption,” wika niya.

“Sasabihin natin huwag magnakaw sa flood control pero ina-address ba natin ang pandaraya pag nangongopya sa exam? Ina-address ba natin iyong simpleng pagsisinungaling sa araw-araw?” dagdag niya.

Makikita rin aniya ito sa talamak pa ring lagayan sa pagkuha ng lisensya at business permit, pagbabayad ng real property tax, at pakikipagtransaksiyon sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Muli ring pinuna ni Cayetano ang vaping na hanggang ngayon ay abot-kamay pa rin sa mga menor de edad sa kabila ng panganib nito sa kalusugan at umiiral na regulasyon.

Batay sa 2019 Global Youth Tobacco Survey, halos isa sa bawat pitong Pilipinong mag-aaral na edad 13 hanggang 15 ang gumagamit ng e-cigarettes.

Matagal nang isinusulong ni Cayetano ang pagbabawal sa vape sa bansa upang protektahan ang kabataan laban sa addiction at iba pang panganib nito sa kalusugan.

Tungkol naman sa mga batang nasasangkot sa krimen, sinabi ni Cayetano na bagama’t may mga salik gaya ng mental health disorders o pangmamanipula ng extremist groups, dapat pa ring sama-samang suriin ng mga pamilya, paaralan, simbahan, pamayanan, at pamahalaan ang kapaligirang nakaimpluwensiya sa kanila.

“In the end, there is a specific blame and there is a general responsibility,” ani Cayetano.

“That’s a lesson to us, that in everything we do, the children are watching. And they learn from that,” dagdag niya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here