Home NATIONWIDE Tulfo sa electric coops: ‘Makisama naman kayo sa pagtanggal ng system loss’

Tulfo sa electric coops: ‘Makisama naman kayo sa pagtanggal ng system loss’

1
0

MANILA, Philippines – Nakakakuha ng bilyon-bilyong pisong tubo ang mga kumpanya ng kuryente dahil sa ipinapasa nilang system loss sa publiko, habang patuloy namang naghihirap ang mga mamimili.

Ito ang naging pahayag ni Senate Committee on Energy Chairman Erwin Tulfo habang hinihimok ang mga electric companies na makipagtulungan sa pag-aalis ng singil sa system loss sa mga electric bills ng ordinaryong Pilipino.

“Nasaan ang konsepto ng social responsibility sa lahat ng ito? Ang community ay nalulubog sa utang at kahirapan habang sila ay kumikita ng bilyon-bilyong tubo dahil pinipiag nang husto ang mga konsyumer,” pahayag ni Tulfo sa isang panayam sa radyo.

“Hindi ito makatarungan. Bakit ang mga mamamayan ang kailangang magpasan ng mga system loss na ito? Ang mga kumpanya ng kuryente ang dapat na managot sa sarili nilang mga lugi,” dagdag pa ng Senador.

Nangako si Tulfo na tatapusin ang mga pagdinig ng komite bago matapos ang taon upang baguhin ang mga patakarang kasalukuyang nagpapahintulot sa mga kumpanya na ipasa ang singil sa system loss sa mga mamamayan.

“Pagaanin naman natin ang pasanin ng mga Pilipino at alisin ang singil sa system loss. Kung titingnan mo ang bill, ilang daang piso lang ‘yan, pero malaking bagay na ‘yan sa ating mga mahihirap na kababayan. Pambili na rin ‘yan ng bigas o gasolina—malaking tulong talaga,” giit niya.

“Itong mga distributor, generation company na ito, may mga social responsibility naman kayo. Makisama naman kayo. Huwag naman puro kabig lang, tumulak din,” ayon pa kay Tulfo.

Binigyang-diin din ng Senador na ang 25 taong gulang na Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA) ay nangangailangan na ng agarang amyenda upang matupad ang pangunahing layunin nitong makapagbigay ng murang kuryente sa mga Pilipino.

Matatandaang matapos ang panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Lehislatura na isulong ang mga patakarang mag-aalis sa singil sa system loss, agad na inihain ni Tulfo ang mga sumusunod na panukalang batas:

– Senate Resolution No. 537: Isang resolusyon upang imbestigahan ang patakaran sa pagpapasa ng singil sa system loss sa mga mamimili

– Senate Bill No. 2239: Pagpapawalang-bisa sa Batas Pambansa Blg. 36 (“Energy Tax Law”)

– Senate Bill No. 2340: Pag-aalis sa Value-Added Tax (VAT) sa singil sa system loss

Nakatutok ang pinuno ng Senate Energy Panel na wakasan ang paghihirap ng mga mamimiling Pilipino laban sa naitatalang pagtaas ng presyo ng kuryente, lalo na’t may buong suporta ito ng kasalukuyang administrasyon. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here