Home METRO Kelot timbog sa search warrant, baril at bala nakumpiska

Kelot timbog sa search warrant, baril at bala nakumpiska

3
0

MANILA, Philippines – Isang lalaki ang naaresto makaraang makuhanan ng baril at mga bala sa isinagawang search warrrant operation sa Brgy Paliparan III, Dasmariñas City, Cavite.

Ayon sa report ng pulisya, kinilala ang nadakip na si alyas “Mike” at residente ng nasabing lugar.

Base sa isinagawang operasyon ng Dasmariñas Police dakong 11:45 ng gabi nang ilatag ang nasabing search warrant na inisyu ng Regional Trial Court, Branch 129, Fourth Judicial Region, kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Sa ginawang paghahalughog sa bahay ng suspek, dito na nakuha ang isang Colt Government Model caliber .45 pistol, isang magazine ng caliber .45, at anim na live ammunition ng naturang kalibre.

Naging matiwasay namang naisakatuparan ang operasyon sa pangunguna ni PMAJ Marlon C. Escalante, Officer-in-Charge ng naturang himpilan.

Dumating rin sa lugar ng operasyon ang barangay kagawad ng Brgy. Paliparan 3, habang umalalay naman ang mga tauhan ng Women and Children Protection Desk (WCPD), SWAT Team.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Dasmariñas Component City Police Station ang mga nakumpiskang ebidensya habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kaukulang kaso sa suspek.

Ayon kay Cavite Police Provincial Director PCOL Ariel R. Red, patuloy na pinapaigting ng Cavite Police Provincial Office ang kampanya laban sa mga indibidwal na ilegal na nagtataglay ng mga baril at bala laban sa mga loose firearms na maiwasan ang krimen at mapanatiling ligtas ang bawat Caviteño. MARGIE BAUTISTA

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here