MANILA, Philippines – Apat sa 10 Filipino o 43% ang nagsabing ang bribery ang pinakaseryosong impeachment charge laban kay Vice President Sara Duterte, ayon sa survey ng OCTA Research.
Ang bribery ay sinundan ng maling paggamit ng confidential funds (28%), unexplained wealth (10%), at grave threats (10%).
Walong porsyento (8%) naman ang nagsabing hindi nila alam o hindi nila matukoy kung ano ang pinaka-seryosong alegasyon.
“The survey findings indicate that Filipinos do not view all impeachment charges with equal weight. Rather, they distinguish among the allegations and assign greater importance to some than others,” sinabi ng OCTA.
Ang survey fieldwork ay isinagawa mula Hulyo 4 hanggang 11, 2026 gamit ang face-to-face interviews.
May kabuuang 1,200 probability respondents edad 18 pataas ang nakapanayam para sa pag-aaral.
Ang survey ay may ±3% margin of error sa 95% confidence level.
Hindi naman kinomisyon ang naturang survey.
Nakakuha ang bribery ng pinakamalaking bahagi ng tugon sa Cordillera Administrative Region (75%), Central Visayas (Region VII, 66%), Negros Island Region (65%), SOCCSKSARGEN (Region XII, 63%), at Davao Region (Region XI, 60%).
Samantala, ang maling paggamit ng confidential funds ang pinakamalaking isyu para sa Ilocos Region (Region I, 55%), Cagayan Valley (Region II, 48%), MIMAROPA (56%), at Caraga (Region XIII, 55%).
Nakita rin sa survey na ang bribery ang pinakaseryosong impeachment charge sa lahat ng age groups ngunit pinakamataas ito sa edad 25 hanggang 34, sa 52% na sinundan ng edad 35 hanggang 44 sa 46%.
Bagamat mataas ang bribery sa lahat ng age categories, ang maling paggamit ng confidential fund ang pinakamatibay na kaso ng impeachment charge sa mga nakababatang Filipino. RNT/JGC