MANILA, Philippines – “Illegal ang tila paspasang pagpapa-apruba sa mga alituntunin ng LPG Swapping Centers at at hindi naaayon sa interest ng LPG end-consumers.”
Ito ang mariing ipinahayag ni National LPG Alliance of the Philippines Inc. (NLAP) President Jose “Jojo” B. Cruz III kaugnay ng pagmamadali sa pag-apruba ng mga alituntunin para sa pagtatatag at operasyon ng mga LPG Swapping Centers.

Sa isinagawang pagpupulong nitong July 30, 2026 sa tanggapan ng Department of Energy (DOE), kasama ang National Program Policy Task Force (NPPTF) at resource persons mula sa iba’t ibang DOE-recognized Liquefied Petroleum Gas (LPG) Associations, tinalakay ni Atty. Rino E. Abad, Director ng Oil Industry Management Bureau (OIMB) ng DOE ang pinakabagong draft ng Guidelines for the Establishment and Operations of LPG Cylinder Swapping Centers at ang timeline para sa pag-apruba nito.

Sa panayam kay Director Abad, binigyang-diin niya na hindi na umano kailangang kunsultahin ang sampung (10) Sectoral Chairs ng pitong (7) Administrative Regions sa ilalim ng Regional Program Implementation Task Forces (RPITFs).
Aniya, dapat munang aprubahan ang mga alituntunin bago atasan ang pitong (7) RPITFs na tipunin ang kani-kanilang administrative regions upang magbigay ng kinakailangang mga detalye sa nasabing mga alituntunin.
“Kasi itong prinsipyo nasa batas ito eh. Hindi na ito pwedeng ikunsulta (sa RPITF). This is really what the law said. Ang implementation ang dapat ibaba sa RPITF paano nia gagawin which ang sinasabi sa kanila na pag dapat ng magtayo ng swapping center, paano itayo yun, yun kayo na yun, pero sabi ng batas dapat magtayo kayo ng swapping center,” ani Director Abad.
“Kasi gusto rin naman nating i-guide ang RPITF, ang problema kasi kung hindi natin ito maipapasa at didiretso sa RPITF eh wala nga silang guidance. Kaya may guidelines sila pano gagawin ang trabaho. So ilalabas talaga natin ito para guided nga ang mga sektor,” dagdag pa ni Director Abad.
Ang NPPTF, RPITF, at ang sampung (10) sektor ng industriya ng LPG ay binuo upang ipatupad ang Sections 31 at 32 ng Republic Act (RA) No. 11592 o ang LPG Industry Regulations Act of 2021, na nagtatakda ng LPG Cylinder Exchange and Swapping Program at LPG Cylinder Improvement Program.

Gayunpaman, iginiit ng NLAP, sa pangunguna ni President Jojo, na sinang-ayunan ng mga kinatawan ng Liquefied Petroleum Gas Refillers Association (LPGRA) at Integrated LPG Distributors of the Philippines (ILDP), na dapat munang kunsultahin ng pitong (7) RPITFs ang kani-kanilang sampung (10) Sectoral Chairs bago tuluyang aprubahan ang nasabing mga alituntunin upang maisama ang kanilang mahahalagang mungkahi at komento.
Sa ilalim ng DOE at Department of Trade and Industry (DOE-DTI) Joint Department Circular No. JDC2022-11-0002 na may pamagat na “LPG Cylinder Exchange, Swapping and Improvement Program and Its Implementing Guidelines,” kinakailangang magkaroon ng kunsultasyon, pagboto, at kolektibong pagpapasya ang mga RPITFs, na siyang dapat irekomenda ng mga RPITF Chairs sa NPPTF. Hindi maaaring magrekomenda ang mga RPITF Chairs ng anumang hindi pa napag-uusapan at napagpapasyahan kasama ang kanilang sampung (10) Sectoral Chairs.







