Home NATIONWIDE Nakabatay sa ebidensya ang bail grant kay Revilla ‘di sa mga paratang...

Nakabatay sa ebidensya ang bail grant kay Revilla ‘di sa mga paratang – Sandiganbayan

1
0

MANILA, Philippines – IPINAKITA sa 176-page ruling ng Sandiganbayan na ang pagpayag nitong makapagpyansa si dating Senador Ramon ‘Bong’ Revilla ay hango sa prinsipyong “ang mga hukuman ay dapat humatol batay sa mga ebidensiyang naiharap sa korte at hindi sa opinyon ng publiko.

Sa Resolusyong may petsang Hulyo 31, 2026, ipinasya ng Third Division ng anti-graft court na nabigo ang prosekusyon na magpakita ng matibay na ebidensya ng pagkakasala ni Revilla sa mga pagdinig para sa kanyang aplikasyon sa piyansa kaugnay ng umano’y maanomalyang flood control project sa Pandi, Bulacan.

Sa kasong isinampa ng Ombudsman laban kay Revilla at iba pa ay nakipagsabwatan umano ang dating senador sa ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways upang dayain ang pamahalaan.

Ngunit matapos ang ilang buwang pagdinig at presentasyon ng mga testigo at dokumento ng prosekusyon, napagpasyahan ng hukuman na hindi sapat ang mga ebidensyang iniharap upang mapatunayang naging bahagi si Revilla ng umano’y sabwatan sa kasong malversation of public funds through falsification of public documents.

Sa resolusyon ng Sandiganbayan ay binigyang-diin nito na walang matibay na ebidensyang naipakita kung paano umano naipasok ni Revilla ang naturang flood control project sa General Appropriations Act ng 2025.

Kinilala ng hukuman na si Revilla ay noo’y chairman ng Senate Committee on Public Works, ngunit nilinaw nito na ang naturang posisyon ay hindi nangangahulugang may kapangyarihan siyang magpasok ng proyekto sa pambansang badyet. Ipinaliwanag ng korte na ang proseso ng pag-apruba ng badyet ay dumaraan sa pagsusuri at pag-apruba ng Senado, Kamara de Representantes, at ng Bicameral Conference Committee.

Napansin din ng Sandiganbayan na walang naipakitang direktang ugnayan ang mga testigo ng prosekusyon sa pagitan ng umano’y paghingi ng listahan ng mga proyekto at ng kalaunang paglalaan ng pondo para sa partikular na proyektong binanggit sa sakdal.

Lumabas din sa mga pagdinig na karaniwan para sa mga mambabatas na makipag-ugnayan sa mga ahensya ng gobyerno hinggil sa mga panukalang proyektong pang-imprastraktura. Maging ang ilang opisyal ng DPWH na tumestigo ay umaming walang naipakitang kahilingan mula kay Revilla kaugnay ng nasabing flood control project.

Ayon pa sa resolusyon, malaking bahagi ng teorya ng prosekusyon ay nakasalalay sa mga pahayag ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo. Gayunman, sinabi ng korte na ang mahahalagang alegasyon tungkol sa pagpopondo sa proyekto at umano’y kickback arrangement ay hindi nasuportahan ng independiyenteng ebidensyang naiharap sa mga pagdinig sa piyansa.

Binigyang-diin ng Sandiganbayan na ang mga paratang at haka-haka ay hindi maaaring pumalit sa kinakailangang patunay, lalo na sa pagtukoy kung sapat ang lakas ng ebidensya upang manatiling nakakulong ang isang akusado habang nililitis ang kaso.

Sa hiwalay na concurring opinion, sumang-ayon si Associate Justice Ronald Moreno na nabigo ang prosekusyon na maglatag ng matibay na ebidensyang mag-uugnay kay Revilla sa umano’y sabwatan. Tinukoy rin niya ang ilang kakulangan sa ebidensya na, sa kanyang pananaw, ay nagpapahina sa kaso ng gobyerno sa yugto ng pagdinig sa piyansa.

Ayon kay Moreno, bagama’t may mga testigong nagsabing humingi si Revilla ng listahan ng mga proyektong maaaring pondohan, wala namang dokumentaryong ebidensyang iniharap upang patunayan na talagang ginawa ang naturang kahilingan. Dagdag pa niya, kahit ipagpalagay na nagkaroon nga ng ganitong kahilingan, maaari pa rin itong maiugnay sa opisyal na tungkulin ni Revilla bilang chairman ng Senate Committee on Public Works at hindi awtomatikong nagpapatunay ng iligal na layunin.

Sinabi rin ng mahistrado na walang malinaw na ebidensyang nag-uugnay sa umano’y paghingi ng listahan ng proyekto at sa pagsama ng flood control project sa pambansang badyet. Lumitaw din sa testimonya na ang pinal na pagpapasya sa paglalaan ng pondo ay nasa iba’t ibang opisyal at institusyong sangkot sa proseso ng badyet.

Kinuwestiyon din ni Moreno ang teorya ng prosekusyon hinggil sa umano’y advance kickbacks. Ayon sa mga testimonya, kung ipagpapalagay mang totoo ang alegasyon, ang mga sinasabing bayad ay nagmula umano sa mga pribadong kontratista bago pa man magkaroon ng anumang paglalabas ng pondo mula sa gobyerno.

Para kay Moreno, mahalagang usaping legal ito dahil ang pampublikong pondo – na isang mahalagang elemento sa kasong malversation – ay wala pa noong panahong sinasabing naibigay ang mga naturang bayad.

Binanggit din sa hiwalay na opinyon na kahit pansamantalang tanggapin ang bersyon ng prosekusyon, wala pa ring testigong may direktang personal na kaalaman na makapagpapatunay na may perang naihatid kay Revilla. Ang mga taong umano’y nagdala ng mga kahon ay umaming hindi nila alam ang laman ng mga ito, habang may isa pang testigong nagsabing hindi siya nakakita ng anumang salaping ipinasa. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here