Home NATIONWIDE 39 indibidwal natikitan sa paglabag ng ordinansa sa Pasay

39 indibidwal natikitan sa paglabag ng ordinansa sa Pasay

2
0

MANILA, Philippines – Nasa 39 indibidwal na lumabag sa iba’t-ibang ipinatutupad na ordinansa ang naisyuhan ng tiket sa pagsasagawa ng sabay-sabay na operasyon ng 10 Police Sub-Station sa Pasay City Sabado ng gabi, Agosto 1.

Sinabi ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto, ang pagsasagawa ng District-Wide Synchronized Oplan Bulabog/Galugad at pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod bandang alas 10:00 ng gabi ng mga tauhan ng Police Sub-Stations 1 hanggang 10 at ng Traffic Management and Road Safety Unit (TMRU) sa kani-kanilang Areas of Responsibility (AOR) sa lungsod ay pinangasiwaan ni Assistant Chief of Police (ACOPO) P/Lt. Col. Lade Lucio D. Apanto.

Ayon kay De Sesto, sa 39 na nahuling indibidwal na mayroong iba’t ibang paglabag sa mga ordinansa ng lungsod ay wala ni isa kanila ang inaresto ngunit isa sa mga ito ang pinatawan ng multa habang 38 naman ang binigyan ng mahigpit na babala matapos ang wastong dokumentasyon at pagpapayo.

Sinabi ni De Sesto na nakatuon ang operasyon sa mahigpit na pagpapatupad ng mga ordinansa ng lungsod partikular sa mga paglabag tulad ng curfew para sa mga menor de edad, paninigarilyo sa pampublikong lugar, pag-inom ng alak sa pampublikong lugar, paglalakad na hindi maayos ang kasuotan (half-nakedness), pag-ihi sa pampublikong lugar, ilegal na pagtitinda, mga paglabag sa batas-trapiko, at paggamit ng videoke/karaoke lampas sa itinakdang oras.

Batay sa talaan ng mga paglabag, mayroong tatlo katao ang lumabag sa curfew ordinance; 5 half-naked; 18 sa pagbabawal ng paninigarilyo sa pampublikong lugar; 14 sa pagbabawal ng pag-inom ng alak sa pampublikong lugar; 6 sa traffic code; at 3 sa pag-ihi sa pampublikong lugar.

Wala namang naitalang paglabag kaugnay ng illegal vending, pagtatakip ng mukha (face concealing), paggamit ng videoke/karaoke lampas sa itinakdang oras, at iba pang lokal na ordinansa.

Sa pagsasagawa ng nabanggit na operasyon ay nakibahagi ang 37 pulis at 46 na barangay tanod at force multipliers.

Matagumpay na nagtapos ang operasyon bandang alas-2:00 ng madaling araw nang walang naitalang anumang hindi kanais-nais na insidente.

Dagdag pa ni De Sesto na ang naturang aktibidad ay patuloy na dedikasyon ng Pasay City police, katuwang ang lokal na pamahalaan at force multipliers, sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, pagsusulong ng disiplina sa publiko, at pagtiyak sa kaligtasan at kapakanan ng buong komunidad. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here