MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Philippine National Police (PNP) na sumuko ang ikatlong suspek sa pagpatay sa vlogger na si Alicia “Mima Alicia” Lipata, habang tatlo pang suspek, kabilang ang mga umano’y utak ng krimen, ay nananatiling pinaghahanap.
Ayon sa pulisya, ang suspek na kinilalang “A.F.” ay kusang sumuko noong Hulyo 24 sa Mabalacat City Police Station sa Pampanga.
“This third suspect, the middleman, surrendered. Actually, he was not arrested. He voluntarily surrendered to the Mabalacat Police Station and was endorsed to the CIDG (Criminal Investigation and Detection Group),” sabi ni Northern Police District director Brig. Gen. Benliner Capili.
Sinabi ng pulisya na si A.F. ay umano’y middleman na nag-ugnay at naglipat ng pera sa pagitan ng mga pinaniniwalaang utak ng krimen at ng gunman.
Nauna nang naaresto noong Hulyo 23 ang dalawa pang suspek na umano’y gunman at driver sa Mabalacat City.
Tatlo pa ang pinaghahanap: ang mga umano’y mastermind na “Boss A” at “Jane Doe,” at isa pang middleman na “C.B.”
Nagsampa na ang pulisya ng kasong murder at frustrated murder laban sa anim na suspek.
Binaril si Mima Alicia sa labas ng kanyang bahay sa Caloocan City noong Hulyo 17, at nasugatan din ang kanyang live-in partner.
Kilala ang vlogger sa kanyang political commentary, kung saan hayagan niyang sinusuportahan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at binabatikos si Vice President Sara Duterte at ang kanyang mga kaalyado. RNT/MDS