CAVITE, Philippines – Isang lalaki na matagal na nagtatago sa batas at itinuturing na Most Wanted Person sa Region 4A (CALABARZON) ang nadakip ng pinagsanib na puwersa ng Cavite Police at Tarlac PNP sa Barangay Anupul, Bamban, Tarlac.
Sa report na ipinadala ni Cavite Provincial Director PCol. Ariel Red kinilala ang nadakip na si alyas na “Farell,” na nahaharap sa 3 counts ng murder at apat na counts ng homicide.
Isinagawa ang operasyon bandang 12:22 ng madaling araw sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Regional Trial Court Branch 15 sa Naic, Cavite.
Ang nasabing operation at pinangunahan ng Naic Municipal Police Station (MPS) sa pakikipagtulungan sa Bamban Municipal Police Station, Tarlac Police Provincial Office, at Police Regional Office 3.
Ayon kay PLt. Col. Louie Gonzaga, hepe ng Naic MPS, naging maayos naman ang ginawang pag aresto sa suspek na natiyempuhang nasa kanyang tinutuluyang bahay sa Bamban.
Lumalabas sa imbestigasyon na kabilang sa mga kasong kinahaharap ng suspek ang pagpatay noong 2015 sa anak ng isang may-ari ng cable company, gayundin ang pagkakasangkot sa pagkamatay ng isang pulis sa magkahiwalay na insidente sa pagitan ng 2016 at 2018.
Iniuugnay rin umano si “Farell” sa pagpaslang sa isang barangay chairman ng Palangue Central, Naic noong 2016.
Batay sa impormasyon ng pulisya, nagtago umano ang suspek sa Bamban matapos mailabas ang unang warrant of arrest noong 2018.
Habang nagtatago, nakapag-asawa umano ito at nagtrabaho bilang driver sa isang hotel sa Angeles City upang makaiwas sa mga awtoridad.
Napag-alaman ding ang suspek ay dating chief tanod ng Barangay Latoria, Naic, at dati ring naitala bilang High Value Individual (HVI) kaugnay ng ilegal na droga.
Mahigpit na nasa kustodiya na ngayon ng pulisya ang akusado habang isinasailalim sa karagdagang imbestigasyon at inihahanda ang kanyang pagharap sa mga kasong nakabinbin laban sa kanya sa korte. MARGIE BAUTISTA