Home NATIONWIDE PNP: Focus crimes bumaba ng higit 36% noong Hulyo 2026

PNP: Focus crimes bumaba ng higit 36% noong Hulyo 2026

1
0

MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na bumaba ng 36.12% ang bilang ng focus crimes noong Hulyo 2026 kumpara sa parehong buwan noong 2025.

Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr., mula sa 3,458 kaso noong Hulyo 2025 ay naging 2,209 kaso na lamang noong Hulyo 2026.

Kabilang sa focus crimes ang murder, homicide, physical injury, rape, robbery, theft, carnapping ng sasakyan, at carnapping ng motorsiklo.

Pinakamalaki ang ibinaba ng rape sa 56.93%, sinundan ng carnapping ng sasakyan sa 46.15%, at carnapping ng motorsiklo sa 42.59%.

Sinabi ni Nartatez na ang pagbaba ng krimen ay bunga ng patuloy na kampanya ng PNP, mga komunidad, at iba pang ahensya upang mapanatili ang kapayapaan at kaligtasan.

Sa kampanya laban sa ilegal na droga, nagsagawa ang PNP ng 5,526 operasyon na nagresulta sa pagkakaaresto ng 6,368 katao at pagkakasamsam ng ilegal na droga na nagkakahalaga ng mahigit P387 milyon.

Naaresto rin ang 8,199 wanted persons, kabilang ang 2,352 most wanted at 5,847 iba pang wanted.

Sa kampanya laban sa loose firearms, 965 lumabag ang naaresto at 3,724 baril ang nakumpiska, isinuko, o nasamsam, habang 1,106 baril ang boluntaryong ipinasa sa PNP para sa safekeeping.

Nagsagawa rin ang pulisya ng 4,631 operasyon laban sa ilegal na sugal, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 9,401 katao at pagkakasamsam ng pera at kagamitan sa sugal na nagkakahalaga ng mahigit P3.2 milyon.

Sa kampanya laban sa smuggling, nagsagawa ang PNP ng 2,927 operasyon, na nagresulta sa pagkakaaresto ng 656 katao at pagkakasamsam ng ilegal na kalakal na nagkakahalaga ng mahigit P628 milyon.

“These results reflect the continuing efforts of the PNP, together with our communities and partner agencies, to prevent crime, strengthen police visibility, and keep our neighborhoods safe,” sabi ni Nartatez.

“The Philippine National Police remains steadfast in protecting lives, preserving peace and order, and upholding the rule of law,” dagdag pa niya. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here