Home NATIONWIDE Mapayapang halalan sa BARMM, titiyakin ng PNP, AFP

Mapayapang halalan sa BARMM, titiyakin ng PNP, AFP

1
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malakanyang sa publiko na nakahanda ang security forces na siguruhin na mapayapa, maayos at mapagkakatiwalaan ang parliamentary elections sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) sa darating na Setyembre.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na may karagdagang personnel ang maaaring ideploy kung kinakailangan base sa security assessments.

Ang pagtiyak ay matapos na iulat ng Climate Conflict Action Asia na may 235 katao ang nasawi mula Enero hanggang Hulyo kabilang na ang 28 namatay na iniuugnay sa nalalapit na BARMM elections.

Ani Castro, bina-validate pa ng Philippine National Police (PNP) ang bilang subalit binigyang diin na ang direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay igarantiya ang ligtas at mapayapang electoral process.

“Ang nais ng Pangulo, ang order ng Pangulo ay maging mapayapa, ligtas at magkaroon ng malayang halalan sa BARMM,” ang winika pa rin ni Castro.

Nauna rito, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang request ng Commission on Elections’ (Comelec) na mag-deputize ng PNP, Armed Forces of the Philippines (AFP) at iba pang law enforcement agencies para tumulong na masiguro na secure ang first regular parliamentary elections sa Bangsamoro.

Tinukoy ang PNP, tinuran ni Castro na ang law enforcement operations ay nananatiling nakatuon sa paglansag ng private armed groups at pagtugon sa iba pang security threats bago pa ang eleksyon.

Sinabi pa nito na patuloy na nakikipag-ugnayan ang PNP, AFP at Comelec sa pamamagitan ng Joint Security Control Centers habang pinaiigting ang ‘intelligence gathering, community engagement at mahigpit na pagpapatupad sa political neutrality sa hanay ng security personnel.

Ani Castro, may 8,299 PNP personnel ang nadeploy na upang matiyak na maayos, mapayapa ang eleksyon sa BARMM, na idaraos sa Setyembre 14, 2026.

“Habang papalapit ang halalan, maaari pang madagdagan ang deployment batay sa threat assessment at sa magiging pangangailangan ng Comelec,” anito.

Idinagdag pa nito na ang AFP at Philippine Coast Guard ay sinusuportahan ang PNP, partikular sa mga election areas of concern na tinukoy ng Comelec.

Tinuran pa ni Castro na base sa assessment ng Comelec, ang napaulat na insidente ng karahasan ay argely attributed’ sa personal conflicts at hindi kinokonsiderang election-related.

“Anuman ang mangyayari, ang PNP, AFP at Philippine Coast Guard ay handa para matiyak ang kapayapaan sa halalang darating,”ani Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here