BUKIDNON, Philippines – Patay ang isang 20-anyos na motorcycle rider matapos bumangga at mahulog sa ilalim ng isang umaandar na pampasaherong bus sa Sitio Kabalansihan, Barangay Sinuda, Kitaotao, Bukidnon madaling-araw ng Linggo.
Ayon sa pulisya, bandang 1:40 a.m. nang mangyari ang aksidente habang parehong bumabaybay ang Yamaha Sight 115 ng biktima at ang pulang Yutong bus patungong Quezon, Bukidnon.
Wala umanong driver’s license ang biktima at hindi rin siya nakasuot ng helmet nang mangyari ang aksidente.
Dahil sa bangga, nahulog ang rider sa ilalim ng bus at nagtamo ng matinding pinsala sa ulo.
Agad siyang isinugod sa Buda Community Hospital sa Marilog District, Davao City, at kalaunan ay inilipat sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag, kung saan siya ay idineklarang dead on arrival.
Dinala ang motorsiklo at bus sa Kitaotao Municipal Police Station habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. RNT/MDS