WASHINGTON, USA – Inanunsyo ni US President Donald Trump na magsisimula ngayong Lunes ang panibagong negosasyon sa Iran upang subukang tapusin ang digmaan na umabot na sa ikaanim na buwan.
Ayon kay Trump, ipagpapaliban muna ng Estados Unidos at Israel ang planong pag-atake sa Iran habang isinusulong ang isang kasunduan. Kabilang sa tatalakayin ang Strait of Hormuz, isang mahalagang ruta ng pandaigdigang suplay ng enerhiya, at ang pag-aalis ng kakayahang nukleyar ng Iran.
“Now what we’re doing is we’re talking to them in the form of a negotiation. It begins tomorrow afternoon,” sabi ni Trump.
Sinabi rin niyang hiniling ng Iran, Saudi Arabia, United Arab Emirates, at Qatar na huwag muna isagawa ang pag-atake, bagaman itinanggi ng Iranian media na humiling ang Tehran nito.
Samantala, sinabi ng Iran na malapit na itong magkaroon ng kasunduan sa Oman tungkol sa isang bagong ruta sa Strait of Hormuz. Gayunman, nilinaw ng Iran na hindi ito nangangahulugang muling bubuksan ang naturang daanan.
Bumaba ang presyo ng langis sa pagbubukas ng kalakalan sa Asya matapos ang anunsyo ni Trump, kung saan ang West Texas Intermediate (WTI) ay bumaba ng 4.7% sa $80.72 kada bariles.
Nasa digmaan ang Washington at Tehran mula pa noong Pebrero 28, matapos ang mga pag-atake ng US at Israel sa Iran. Patuloy pa rin ang tensyon sa rehiyon, at iniulat na may pagsabog malapit sa isang tanker sa baybayin ng Oman noong Linggo, bagaman ligtas ang barko at mga tripulante nito. RNT/MDS