MANILA, Philippines – Inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kauna-unahang three-part e-book para ipakilala sa mga kabataan ang yamang -dagat ng bansa at ang kahalagahan ng West Philippine Sea (WPS).
Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na tugon ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang kaalaman ng kabataan.
Ayon kay Castro, pinangunahan ni DENR Secretary Juan Miguel Cuna ang paglulunsad ng “The Wonderful West Philippine Sea,” na bahagi ng patuloy na kampanya ng kagawaran upang mas madaling maunawaan ng mga bata ang marine science, pangangalaga sa kalikasan, at environmental education.
Ang unang bahagi ng e-book na “The Wonderful West Philippine Sea with Pawi the Sea Turtle” ay tumatalakay sa paglalakbay ni Pawi, isang pawikan, sa mga bakawan, seagrass beds, coral reefs, at mga pamayanang nasa baybayin ng West Philippine Sea.
“Ayon sa DENR, makatutulong ang e-book na maintindihan din ng mga kabataan ang kahalagahan ng food security, kabuhayan sa karagatan at shared heritage — at maunawaan sa simpleng paraan ang 2016 Arbitral Award,” ani Castro.
Bukod sa pangunahing layunin nitong magsilbing kagamitang pang-edukasyon para sa mga kabataan, sinabi ng Palace Press Office na maaari ring magsilbing mahalagang sanggunian ang e-book para sa mga kongresista.
Nakapaloob sa e-book ang ibat-ibang inter active activity tulad ng pagkilala sa iba’t ibang uri ng hayop at halaman sa karagatan, coloring book, at family pledge na naghihikayat sa wastong pangangalaga sa kalikasan sa pamamagitan ng pagbabawas ng paggamit ng single-use plastics, tamang pagtatapon ng basura, pagtitipid ng tubig, at pakikilahok sa mga community clean-up drive.
Sinabi ni Castro na umaasa ang pamahalaan na sa pamamagitan ng hakbang na ito, higit na mauunawaan ng bawat Pilipino, lalo na ng kabataan, ang kahalagahan ng West Philippine Sea.
“Hindi pagtatapon ng basura sa likod ng ahensya. Tiwala ang pamahalaan na sa ganitong paraan, maaalala ng bawat Pilipino at mga mambabatas — lalong-lalo na ang mga kabataan — na atin ang West Philippine Sea,”giit pa ni Castro. (KRIS JOSE)