MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) noong Lunes (Agosto 3) na mahigit 978,000 miyembro ng Social Security System (SSS) na may mababang kita ang nakatanggap na ng Php2,000 Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) Assistance. Layunin nitong tulungan ang sektor sa gitna ng krisis sa enerhiya.
Ayon kay Asst. Secretary Irene Dumlao, ang tagapagsalita ng DSWD, sa isang panayam ng media sa programang “Bagong Pilipinas Ngayon” na ang nasabing 978,000 sambahayan ay kabilang sa mga benepisyaryo ng Group 3 ng UPLIFT Assistance.
Ang pagbibigay ng UPLIFT assistance ay direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. bilang isang komprehensibong hakbang sa proteksyong panlipunan. Dinisenyo ito upang magbigay ng agarang tulong-pinansyal sa mga bulnerableng pamilya, mga manggagawa sa transportasyon, at mga indibidwal na may mababang kita na labis na naapektuhan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
“Para naman sa Group 3—ito ‘yung mga empleyado na may Monthly Salary Credit na mas mababa sa Php20,000, may kontribusyon sa SSS kahit minsan noong 2025 o 2026, at may SSS disbursement account—umabot na sa mahigit 978,000 sambahayan ang nakatanggap ng kanilang Php2,000 UPLIFT assistance,” pahayag ni Asst. Secretary Dumlao noong Lunes.
Saklaw ng Group 3 ang mga empleyadong may mababang kita na may Monthly Salary Credit (MSC) na mababa sa Php20,000, nakapagbayad ng kahit isang kontribusyon sa SSS noong 2025 o 2026, at may aktibong SSS disbursement account.
Sinabi ng tagapagsalita ng DSWD na ang SSS ang direktang namamahala sa pag-release ng tulong-pinansyal sa mga rehistradong bank account o disbursement account ng mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ang mga benepisyaryo sa ilalim ng Group 3 ay makatatanggap ng Php2,000 kada buwan sa loob ng anim na magkakasunod na buwan, mula Hulyo hanggang Disyembre. Ang pamamahagi sa mga benepisyaryo ng Group 3 ay bahagi ng implementasyong nagsimula na noong Hulyo para sa subsidiya sa mga sambahayang may mababang kita sa buong bansa sa lahat ng kategorya ng programa.
“Sa ngayon pong umaga, mahigit 4.4 milyong sambahayan na ang nakatanggap ng Php2,000 UPLIFT assistance para sa buwan ng Hulyo,” pahayag ni Asst. Secretary Dumlao.
Nabatid pa sa DSWD sa ilalim ng Group 1, mahigit 2.8 milyong sambahayan na kabilang sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ang nakatanggap ng kanilang one-time na Php2,000 na subsidiya sa pamamagitan ng cash cards noong nakaraang linggo, kasabay ng mahigit 214,000 sambahayang benepisyaryo sa ilalim ng Walang Gutom Program (WGP). (Santi Celario)