MANILA, Philippines – “Salamat sa pagpapanatiling bukas ng ilaw sa ating bansa”
Ito ang naging mensahe ni House Speaker Faustino Dy III para sa mga lineworker ng bansa na itinuturing niyang kailangang-kailangan na puwersa sa pagpapatakbo ng mga komunidad at pagpapagana ng kaunlarang pang-ekonomiya ng bansa.
Ang mensahe ni Dy ay inihatid ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato Rep. Ferdinand Hernandez sa pagdiriwang ng National Lineworkers Appreciation Day.
Binigyang-diin ni Dy na ang maaasahan at tuloy-tuloy na kuryente ang nagsisilbing pundasyon ng imprastruktura, edukasyon, kalusugan, negosyo, at trabaho sa Pilipinas.
“Simply put: energy is critical for a nation to function. Dahil kung walang kuryente, titigil ang mga pabrika. Hihinto ang mga negosyo. Mahihirapang maglingkod ang ating mga ospital. Hindi makakapag-aral nang maayos ang ating mga kabataan. At babagal ang pag-unlad ng ating ekonomiya,” ani Dy.
Binigyang pagkilala ni Dy ang mga lineworker na personal na humaharap sa panganib sa pag-akyat ng mga poste at pagkukumpuni ng mga pasilidad upang matiyak na makakarating ang kuryente sa mga tahanan, paaralan, ospital, at negosyo.
“Kayo ang mga taong bihirang mapansin kapag maayos ang lahat. Ngunit kayo rin ang unang hinahanap kapag nawalan ng kuryente,” ani Dy.
“Kapag may bagyo, habang ang marami sa atin ay naghahanap ng ligtas na masisilungan, kayo naman ang lumalabas upang ibalik ang serbisyo sa ating mga komunidad. Kapag may kalamidad, hindi ninyo tinatanong kung gaano kahirap ang trabaho, ang iniisip ninyo ay kung gaano karaming pamilya ang naghihintay na muling magkaroon ng ilaw.” dagdag pa nito.
Inilarawan ng lider ng Kamara na hindi madali, mapanganib, at maaari pang kumitil ng buhay ang kanilang propesyon, ngunit araw-araw pa rin itong ginagampanan nang may husay, dedikasyon, at malasakit.
Kinilala rin nito ang nagkakaisang pagsisikap ng mga energy producer, regulator, electric cooperative, distribution utility, at mga tauhang nagtatayo at nagpapanatili ng mga pasilidad ng kuryente.
Tiniyak naman ni Dy sa mga lineworker na magpapatuloy ang Kamara sa pagpapatupad ng mga patakarang magpapalakas sa sektor ng enerhiya, magpapabuti sa serbisyong pampubliko, at mag-aayos sa kapakanan ng mga manggagawa. Gail Mendoza