Home NATIONWIDE Liquidation ng P125M confidential funds, nilagdaan ni VP Sara; P40M ginasta sa...

Liquidation ng P125M confidential funds, nilagdaan ni VP Sara; P40M ginasta sa medikal, pagkain ‘di awtorisado – COA witness

1
0

MANILA, Philippines – Kinumpirma ni COA Auditor Roderick Wamil, testigo ng prosekusyon para sa pagpapatunay ng Article 1, na nilagdaan ni Vice President Sara Duterte ang liquidation report para natanggap nitong P125 million confidential funds.

Sa pagpapatuloy ng paglilitis, tinukoy ni Wamil ang pirma ni Duterte sa disbursement voucher, accomplishment report, at sa isang OVP certification na inihain ng House prosecution panel.

Aniya, dahil sa paglagda ni VP Duterte ay pinagtibay nito ang legalidad ng cash advance at ang mga gastusing nasa ilalim ng kanyang direktang pamamahala.

“Ang significance po nung kanyang pirma dito ay kanya pong sinertify na ’yung purpose po nung kanilang cash advance from the confidential fund ay na-accomplish po ng agency,” paliwanag ni Wamil.

Gayunpaman, lumitaw sa pagsusuri na ang naturang ₱125 milyon ay nai-disburse o nagasta lamang sa loob ng 11 araw.

Ipinaliwanag ni Wamil na bagamat naglalaman ang accomplishment report ng pirma ng pag-apruba ni Duterte ay  wala nakasaad na mga partikular na aktibidad,

Isang petsa rin ang nadiskubre sa sertipikasyon na may petsang Enero 10, 2022 bagamat ito ay para sa ikaapat na quarter ng 2022 at notarized noong Enero 16, 2023.

40M FOOD AT MEDICAL AID NA IPINASOK SA CONFIDENTIAL FUNDS, HINDI TAMA

Sa isa pang pasabog na bahagi ng pagpapatunay ni Wamil, ibinunyag nito na naglista ang OVP ng ₱40 milyon para sa medikal at food aid bilang confidential expense, kasama ang ₱10 milyon para sa incentives o travelling relative to confidential operations.

Ngunit nilinaw ni Wamil na mga ito ay hindi kabilang sa mga pinapayagang paggastusan ng confidential funds sa ilalim ng Item 4.8 ng Joint Circular No. 2015-01 kaya malinaw na may paglabag sa paggastos ng public funds.

Bukod dito, nabigo rin ang OVP na magsumite ng mga kinakailangang dokumento para sa mga pagbabayad ng rewards sa mga impormante.

Sinabi ni Wamil na hinihingi ng Joint Circular ang patunay na ang impormasyon ay nagresulta sa matagumpay na operasyon o surveillance, na may direktang koneksyon sa aktibidad at aprubado ng pinuno ng ahensya.

“Aside from this accomplishment report, hindi po sila nagsubmit ng any document evidencing the success of the information-gathering or surveillance activities on account of the information given by the informer,” pahayag ni Wamil.

Dahil sa mga kakulangan at hindi pagsunod sa mga panuntunan ng Joint Circular 2015-01, humantong si Wamil sa pagbalangkas ng isang Audit Observation Memorandum laban sa ahensyang pinamamahalaan ni Duterte. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here