MANILA, Philippines – Walang isinumiteng direktang dokumentong sumusuporta sa ₱10 milyong gastusin mula sa confidential fund ng Office of the Vice President (OVP) para sa “incentives o traveling expenses” noong 2022.
Ito ang ibinunyag ng dating state auditor ng Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) na si Roderick Wamil sa Senate Impeachment Court.
Ayon kay Wamil, lumitaw ang naturang halaga sa binagong accomplishment report ng OVP para sa kanilang ₱125 milyong confidential fund.
“Meron po silang item na payment of incentives or traveling expenses relative to the confidential operations of the OVP na ₱10 million, na hindi allowable expense based on Item 4.8 ng Joint Circular 2015-01,” pahayag ni Wamil.
Dahil dito, naglabas ang audit team ng supplemental Audit Observation Memorandum (AOM) upang banggitin ang naturang paglabag.
Ang mga gastusin kaugnay ng paglalakbay ay umani ng malaking interes sa publiko dahil sa sunod-sunod na biyahe sa ibang bansa ni Duterte sa panahon ng kanyang panunungkukan.
Naitala noong Agosto 2025 ang siyam na biyahe sa pitong bansa mula Hulyo 2024, kabilang ang tatlong pagbisita sa Netherlands.
Nagpatuloy ang mga biyahe ni Duterte sa ibang bansa noong 2026, kabilang ang awtorisasyon para sa biyahe noong Mayo sa Netherlands, South Korea, Belgium, Germany, at United Kingdom.
Kamakailan lamang ay nagtungo rin siya sa Qatar, Germany, United Kingdom, Northern Ireland, at Netherlands mula Hulyo 16 hanggang 31 habang nagpapatuloy ang kanyang paglilitis sa impeachment.
Ipinahayag ng OVP na ang naturang biyahe ay may kinalaman sa mga opisyal at personal na transaksyon at walang ginamit na pondo ng pamahalaan.
Nang tanungin ni House Prosecution Lead legal counsel Lorna Kapunan kung ano ang partikular na isinumite ng OVP para sa ₱10 milyong entry, isinagot ni Wamil na ang tanging ebidensya ng pagbabayad na inihain ng tanggapan ay sa pamamagitan lamang ng mga acknowledgment receipt, ngunit wala umanong dokumentong direktang sumusuporta sa mismong disbursement para sa nasabing item. Gail Mendoza