Home HOME BANNER STORY Reklamong pagsusugal vs bagong DOH chief, aaksyunan ni PBBM ‘pag napatunayan

Reklamong pagsusugal vs bagong DOH chief, aaksyunan ni PBBM ‘pag napatunayan

1
0

MANILA, Philippines – Magdedesisyon si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kaugnay ng reklamong isinampa laban kay Health Secretary Jose “Brix” Pujalte Jr. batay sa resulta ng imbestigasyon at mga ebidensyang ihaharap, ayon sa Malacañang.

Sinabi ni Palace Press Officer Claire Castro na kailangang masusing imbestigahan ang mga alegasyon laban sa mga opisyal ng pamahalaan bago gumawa ng anumang hakbang.

“Kung may ganito pong mga isyu ay dapat lang po talagang lumabas, kailangan pong maimbestigahan at kung anuman po ang kalalabasan nito ay hahayaan po natin ang Pangulo na magdesisyon patungkol diyan,” ani Castro sa Palace briefing.

Nang tanungin kung ilalagay sa preventive suspension si Pujalte habang iniimbestigahan ang reklamo, sinabi ni Castro na wala pang inilalabas na direktiba ang Pangulo.

“Sa ngayon, hindi pa po naipapaabot ng Pangulo kung mag-iisyu ng ganyan kay Secretary Pujalte, pero tingnan po natin sa mga susunod na mga oras o araw at ibibigay ko po sa inyo ang pinaka-update,” aniya.

Ayon kay Castro, nananatili ang tiwala ng Pangulo sa kalihim ng Department of Health habang wala pang konkretong ebidensya laban dito.

“Sa ngayon po na wala pa pong nailalabas na anumang concrete evidence, maliban lamang po talaga kung ito talaga ay makatotohanan na, doon lamang po kikilos ang ating Pangulo,” sinabi niya.

Naghain ng reklamo ang isang grupo ng mga concerned citizen laban kay Pujalte dahil sa umano’y paglabag sa Presidential Decree 1869, na nagbabawal sa mga opisyal ng pamahalaan na magsugal sa casino, at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees.

Mariing itinanggi ng Department of Health ang mga alegasyon. Ayon sa DOH, nasa isang hotel si Pujalte noong Hulyo 20 para sa opisyal na pulong kasama ang mga lokal na opisyal mula Masbate at Sorsogon hinggil sa tulong para sa mga pampublikong ospital.

Iginiit ng DOH na opisyal na gawain ng pamahalaan ang dinaluhan ng kalihim at nananatili itong nakatuon sa pagbibigay ng dekalidad na serbisyong pangkalusugan.

Itinalaga ni Marcos si Pujalte bilang Health secretary noong Hulyo 13 matapos magbitiw si Dr. Teodoro Herbosa dahil sa kondisyon ng kalusugan. Nanumpa si Pujalte noong Hulyo 14. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here