Home OPINION SANDIGANBAYAN MAGANDANG SUBAYBAYAN

SANDIGANBAYAN MAGANDANG SUBAYBAYAN

3
0

MAGANDANG subaybayan ang ginagawa ng Sandiganbayan sa mga panahong ito.

At ang kasuba-subaybay ay ang relasyon nito sa Office of the Ombudsman o OMB.

Hindi lahat ng sinasampahan ng kaso ng OMB ay kinakatigan ng Sandiganbayan.

Halimbawa, pinalaya nito sa bisa ng piyansa si dating Senador Bong Revilla na inakusahan ng malversation na nagkakahalaga ng mahigit P92 milyon sa isang flood control project scam sa Bulacan.

Sinasabing P8.8 milyon pababa ang malversation upang makapagpiyansa ang isang akusado.

Ayon sa Sandiganbayan, hindi malakas ang ebidensya sa kaso kaya may karapatan magpiyansa si Revilla kahit lagpas sa P8.8M ang halaga ng paratang sa kanya na krimen.

KASO NI SEN. MARCOLETA

Nakabinbin naman ang kaso ni Senador Rodante Marcoleta sa Sandiganbayan pa rin kaugnay ng paratang ng OMB na tumanggap siya ng nasa P70 milyon bilang opisyal ng pamahalaan na hindi umano niya iniulat sa Commission on Elections kahit konektado iyon sa nakaraang halalang 2025.

Hindi siya nag-ulat sa kahilingan mismo ng mga election campaign contributors niya na dalawang tao.

Wala pang resolusyon ang nasabing korte sa kautusan nito kay Marcoleta na maglatag ng mga ligal na dahilan kung bakit hindi siya suspendihin bilang senador.

Para sa iba, hindi dapat masampahan ng kaso si Marcoleta ng plunder na walang piyansa lalo’t walang sangkot dito na salaping bayan kundi mga pribadong campaign contributors lamang.

IBANG KASO SA SUPREME COURT

Samantala, kinuwestiyon naman ni Marcoleta sa Supreme Court ang batayan ng plunder na isinampa ng OMB sa Sandiganbayan.

Hindi hinihiling ng senador ang paglaya nito sa kulungan kundi pinalilinaw nito ang batayan ng OMB sa pagsasampa ng kaso.

Anoman ang magiging resulta ng kaso, sakaling aksyunan ito ng SC, tiyak na magkakaroon ng malalim na epekto sa plunder na nakabinbin sa Sandiganbayan.

Sana maresolba ito ng SC sa pinakamadaling panahon.

Nasasayangan ang marami sa hindi nito pagkakasali sa mga gawaing pang-Senado, lalo na sa imbestigasyon sa trilyong piso kikbakan sa flood control projects na kinasasangkutan ng ilang taga-Palasyo at Kongreso.

Malaki rin sana ang ambag nito sa paglilinaw sa mga isyu sa kasong impeachment na kinahaharap ni Vice President Sara Duterte.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here