Home NATIONWIDE Moto-taxi riders umapela kay Marcos kontra rider cap, multi-apping ban ng LTFRB

Moto-taxi riders umapela kay Marcos kontra rider cap, multi-apping ban ng LTFRB

2
0

MANILA, Philippines – Nanawagan ang Nexus Riders Alliance kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tiyaking hindi mawawalan ng kabuhayan ang libo-libong motorcycle taxi riders dahil sa rider allocation o capping system na ipinatutupad ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.

“PBBM, tulungan ninyo ang mga moto-taxi rider. Proteksyunan ninyo ang aming kabuhayan. Ang mga rider na maaapektuhan ng cap ay hindi lamang mga numero. Sila ay mga ama, ina, at breadwinner na umaasa sa pagmomotor upang buhayin ang kanilang pamilya,” pahayag ni Nexus Riders Alliance Chairman Renato Embiado.

Ayon sa grupo, hindi malinaw kung ano ang mangyayari sa mga rider na lalampas sa allocation ng isang platform at kung paano sila makapaghanapbuhay sa ilalim ng mga bagong provisional authority.

“Simple ang tanong namin: kung limitado ang bilang ng rider na maaaring tanggapin ng isang platform, saan mapupunta ang mga hindi masasama sa allocation? Kung mag-aapruba ang LTFRB ng mas maraming PAO, paano makapaghanapbuhay ang mga rider kung wala naman silang mapapasukang platform? Ito ang pinakamalaking pangamba ng mga rider ngayon,” ani Embiado.

“Hindi numero ang mawawala rito. Kabuhayan ng mga pamilya ang nakataya. Hindi kami humihingi ng espesyal na pabor. Ang hinihingi lamang namin ay pagkakataong makapaghanap-buhay,” dagdag niya.

Hiniling din ng grupo na muling pag-aralan ang pagbabawal sa multi-apping, na nagpapahintulot sa mga rider na tumanggap ng booking mula sa ibang platform kapag mahina ang demand sa isang app.

“Ang multi-apping ay hindi problema. Tinutulungan nitong magkaroon ng mas tuloy-tuloy na kita ang rider. Hindi naman sabay na bumibiyahe ang isang rider sa dalawang platform. Sa sistemang malaya silang pumili, ang mga platform ang magpapagalingan sa pagbibigay ng mas maayos na bookings, incentives, at proteksiyon sa kanilang mga rider,” paliwanag ni Embiado.

Babala ng grupo, maaaring humina ang kakayahan ng mga rider na umangkop sa pabago-bagong demand at kondisyon sa kalsada kapag ipinagbawal ang multi-apping, na maaari ring makaapekto sa reliability ng motorcycle taxi services.

Nilinaw ng alyansa na suportado nito ang regulasyon, kaligtasan, at accountability sa industriya. Gayunman, iginiit nitong dapat malinaw, praktikal, makatao, at tumutugon sa pangangailangan ng mga rider at commuter ang mga patakaran, lalo’t hindi na umano sapat ang kasalukuyang cap sa lumalaking demand.

“Hindi kami kontra sa regulasyon. Ang hinihiling namin ay polisiyang binubuo kasama ang mga rider, hindi iyong papakinggan lamang kami matapos mailabas at maipatupad ang mga patakaran,” ani Embiado.

Nanawagan ang grupo ng dayalogo kasama si Marcos, Transportation Secretary Giovanni “Banoy” Lopez, ang LTFRB, motorcycle taxi platforms, at mga kinatawan ng rider communities.

“Ang laban namin ay hindi laban sa gobyerno. Ang laban namin ay para sa kabuhayan ng libo-libong rider at sa mga pamilyang umaasa sa kanila. Huwag sana ninyo kaming hayaang mawalan ng trabaho dahil sa polisiyang, sa halip na magbigay ng proteksiyon, ay maglilimita sa aming pagkakataong kumita,” pagtatapos ni Embiado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here