MANILA, Philippines – Suspendido ang face-to-face classes sa Las Piñas National High School mula Agosto 3 hanggang 7 matapos mapatay sa saksak ang isang 13-anyos na estudyante sa loob ng campus noong Hulyo 31.
Sinabi ni Principal Ignacio Son na saklaw ng suspensyon ang junior at senior high school students, alinsunod sa Department of Education Order No. 14, series of 2026, at direktiba ni Las Piñas City Mayor April Aguilar.
Pansamantalang lilipat ang paaralan sa alternative learning modalities upang mabigyan ng panahon ang mga estudyante, guro, at iba pang personnel para sa mental health at psychosocial interventions.
Magpapatuloy ang mga aralin sa pamamagitan ng printed modules, worksheets, assignments, Google Classroom, at mga opisyal na class group chat.
Magsasagawa rin ng psychosocial processing at counseling para sa mga estudyante, guro, at non-teaching personnel sa tulong ng guidance advocates, mental health professionals, at pamahalaang lungsod.
“The school remains committed to ensuring the safety, well-being, and emotional recovery of the entire school community during this difficult period,” pahayag ng paaralan.
Rerepasuhin at palalakasin din ng administrasyon ang campus security, kabilang ang safety protocols, pakikipag-ugnayan sa law enforcement agencies, at iba pang preventive measures bago ipagpatuloy ang face-to-face classes.
Inatasan ni Aguilar ang mga ahensya ng lungsod na magbigay ng psychological support sa mga apektado. Inutusan din niya ang Las Piñas City Police na dagdagan ang presensya sa mga pampublikong paaralan habang sinusuri ang seguridad.
Pansamantala ring nagpalit ng learning modality ang kalapit na Saint Rose of Lima School, Inc. bilang pag-iingat.
Kasunod ito ng pagkamatay sa saksak ng 13-anyos na estudyante na umano’y inatake ng kaniyang 14-anyos na kaklase matapos ang isang pagtatalo.
Sinabi ng pulisya na patuloy ang imbestigasyon. Inilagay sa kustodiya ang child in conflict with the law alinsunod sa Juvenile Justice and Welfare Act. Dave Baluyot