Home METRO Pulis na umawat sa kaguluhan sa tindahan, patay

Pulis na umawat sa kaguluhan sa tindahan, patay

1
0

CABARROGUIS, Quirino — Sumisigaw ng katarungan ang pamilya’t mga kamag-anak habang pinaglalamayan nila ang isang pulis na umawat lamang sa isang kaguluhan sa tindahan nang bigla siyang pagsasaksakin ng dalawang lalaki sa Barangay San Marcos, Cabarroguis, Quirino.

Kinilala ang biktima na si PSMS Zaldy Castillo Dela Peña, 42, may asawa at nakatalaga sa Quirino Police Provincial Office (QPPO) Headquarters.

Una rito, dumating sa tindahan ang mga suspek na sina Marlon Luayon at Sandy Bermudez upang bumili ng alak.

Tumanggi ang may-ari ng tindahan dahil lampas na sa oras ng curfew, dahilan upang magwala umano ang dalawa.

Nagkataong si PSMS Dela Peña, na off-duty at kasalukuyang kumakain sa tindahan, ay nagtangkang pakalmahin ang mga suspek.

Dito umano bumunot ng patalim si Sandy at sinaksak ang pulis sa kaliwang kilikili.

Matapos ang insidente, tumakas ang dalawang suspek sakay ng pulang Honda Wave motorcycle patungong Diffun, Quirino.

Agad na isinugod ng Quirino PDRRMO Rescue Team ang biktima sa Quirino Provincial Medical Center, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng attending physician.

Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang Cabarroguis Municipal Police Station at nagpalabas ng flash alarm habang nakikipag-ugnayan sa mga kalapit na himpilan ng pulisya para sa agarang pagdakip sa mga suspek.

Dahil dito, nanawagan ang pamilya’t mga kamag-anak sa mga kabaro ng biktima na sana’y mapanagot ang dalawang suspek. Nanawagan din sila sa publiko na agad na ipagbigay-alam sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya kung makita ang mga ito. Rey Velasco

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here