MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni House prosecutor Terry Ridon kung paano pinondohan ni Vice President Sara Duterte ang kabuuang 91 araw ng kanyang mga biyahe sa labas ng bansa sa nakalipas na dalawang taon, sa gitna ng mga katanungan hinggil sa kanyang mga idineklarang ari-arian.
Ayon kay Ridon, tinatayang umabot sa ₱5 milyon hanggang ₱8 milyon ang nagastos sa mga biyahe ni Duterte mula 2025 hanggang 2026, batay sa pamasahe sa eroplano at sa United Nations Daily Subsistence Allowance rates para sa tirahan, pagkain, at iba pang gastusin.
“Napakahalaga na maipaliwanag kung saan nanggaling ang pondong ginamit sa mga biyaheng ito,” pahayag ni Ridon.
Itinuro ni Ridon na walang idineklarang cash on hand o cash in bank si Duterte sa kanyang 2024 Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN). Ayon sa kanya, hindi rin sapat ang sahod ng Pangalawang Pangulo upang tustusan ang milyun-milyong pisong gastusin sa paglalakbay.
Idinagdag pa niya na ang mga negosyong nauugnay kay Duterte at sa kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ay lugi, ayon sa kanilang mga financial statement.
Aniya, kung mga kaibigan o tagasuporta naman ang nagbayad para sa mga biyahe, maaari itong magdulot ng panibagong usaping legal, tulad ng posibleng paglabag sa batas laban sa graft.
Samantala, pinag-aaralan pa ng panel ng prosekusyon kung isasama ang isyu ng mga gastusin sa paglalakbay bilang bahagi ng ebidensya sa Article II ng impeachment complaint na tumatalakay sa hindi maipaliwanag na yaman (unexplained wealth), bagama’t iginiit ni Ridon na sapat na ang kanilang kasalukuyang ebidensya upang suportahan ang naturang akusasyon.
Hinimok din ni Ridon si Duterte na personal na dumalo sa Senate impeachment trial na nasa ika-11 araw na ng paglilitis. Gail Mendoza