Home NATIONWIDE Maliban kay Mary Grace Piattos, 10 pang fictitious names nabunyag sa impeachment...

Maliban kay Mary Grace Piattos, 10 pang fictitious names nabunyag sa impeachment trial

1
0

MANILA, Philippines – Pormal nang umabot sa Senate Impeachment Court ang kontrobersyal na pangalang “Mary Grace Piattos” sa patuloy na paglilitis kay Vice President Sara Duterte, kasama ang sampu pang indibidwal na lumitaw sa mga acknowledgment receipt (AR) ng Office of the Vice President (OVP).

Sa pagpapatuloy ng paglilitis at pagharap bilang saksi ng dating Commission on Audit (COA) state auditor na si Roderick Wamil mula sa Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO), iniharap ng lead counsel ng House Prosecution na si Atty. Lorna Kapunan ang resibo na nagpapakitang tumanggap si Mary Grace Piattos ng ₱70,000 para sa payment of rewards.

Bukod kay Piattos, kabilang sa mga pangalang lumitaw sa mga isinumiteng resibo ng OVP upang i-liquidate ang ₱125 milyong confidential fund para sa Disyembre 21 hanggang 31, 2022 ay sina Renan Piattos, Nova Santos, Mico P. Harina, Janice Marie Revilla, Patty Ting, Andy Lim, Alejandro Pikit, Feonna Biong, Sisfrunio Balsac, at Gabriel Bisaya.

Ayon kay Wamil, maraming kakulangan at iregularidad ang natuklasan sa kabuuang 845 acknowledgment receipt na sinuri ng kanilang grupo.

Kabilang dito ang kawalan ng mga dokumentong nagpapatunay ng surveillance, tulad ng iniatas sa Joint Circular No. 2015-01, mga transaksyong may petsang lumalagpas sa saklaw ng cash advance, mga undated receipt, pati na ang ₱150,000 na discrepancy sa pagitan ng kabuuang halaga ng mga resibo at ng accomplishment report ng OVP.

Sa testimonya ni Wamil, sinabi nitong si Nova Santos ay tumanggap ng ₱85,000 para sa payment of rewards, ngunit ayon kay Wamil, kulang ito sa mga kinakailangang dokumento para sa mga pagbabayad ng pabuya.

Si Mico P. Harina naman ay tumanggap ng ₱295,000 para sa pagbili ng mga suplay, ngunit tanging acknowledgment receipt lamang ang isinumite sa halip na opisyal na resibo o sales invoice.

Ang mga pangalang ito ay unang umani ng pansin sa imbestigasyon ng Kamara ukol sa confidential funds matapos kuwestiyunin ng mga mambabatas ang pagkakakilanlan ng mga nakatala sa mga resibo.

Ipinakita sa mga naunang pagdinig na walang nakitang rekord ng kapanganakan o kamatayan ang Philippine Statistics Authority (PSA) para sa marami sa mga pangalang ito.

Lumabas naman sa mga natuklasan ng National Bureau of Investigation (NBI) na ang ilang acknowledgment receipt ay nagtataglay ng mga lagda na may pagkakatulad, na nag-udyok sa hinalang maaaring iisa lamang ang sumulat ng mga ito. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here