Home NATIONWIDE Grupo ng mga guro, binatikos ‘lapel now, laptops next’ ng DepEd

Grupo ng mga guro, binatikos ‘lapel now, laptops next’ ng DepEd

1
0

MANILA, Philippines – Binatikos ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines nitong Lunes ang pamamahagi ng Department of Education ng voice amplifiers habang hinihintay pa rin ng mga guro sa pampublikong paaralan ang ipinangakong laptops.

Ayon sa ACT, pansamantalang solusyon lamang ang mga amplifier at hindi nito natutugunan ang mabibigat na trabaho, siksikang silid-aralan, at kakulangan sa mga guro, classroom, at education support personnel.

“Noong nakaraang SONA [State of the Nation Address], laptop ang ipinangako pero lapel ang dumating na ayon mismo sa mga kapwa guro ay mahinang klase at agad na nasira. Marahil ito nga ang Bigong Pilipinas. Bigo na sa pangakong sapat na suporta sa mga guro, bigo pa sa disente at nakabubuhay na sweldo (During the last SONA, laptops were promised but lapel arrived, which according to fellow teachers was of poor quality and quickly broke down. Perhaps this is indeed the Failed Philippines. It has failed to provide sufficient support for teachers and failed to provide decent and livable wages),” pahayag ni ACT chairperson Ruby Bernardo.

Binanggit ng grupo ang mga ulat mula sa mga guro na mahina ang audio output ng ilang amplifier, habang ang iba ay nasira o tumigil gumana matapos lamang gamitin nang isang beses.

Ipinagtanggol naman ng DepEd ang procurement at sinabing ipinamahagi ang mga amplifier sa halos 880,000 guro upang mabigyan sila ng agarang tulong sa classroom habang tinatapos ang pagbili ng halos 250,000 laptops.

“Lapel now. Laptops next,” pahayag ng kagawaran.

Ayon sa DepEd, tinitiyak sa laptop procurement ang performance, durability, battery life, warranty, at pinakamainam na halaga para sa pondo ng pamahalaan.

Sinabi rin nitong napababa sa competitive bidding ang halaga ng bawat amplifier mula sa aprubadong ceiling na ₱480.76 tungo sa humigit-kumulang ₱300 hanggang ₱370, depende sa lokasyon, kasama ang isang taong warranty.

Gayunman, sinabi ng ACT na posibleng naapektuhan ang kalidad dahil sa pagpapababa ng presyo.

“Instead of easing teachers’ burden through smaller class sizes, more classrooms, and additional teaching personnel, the government has resorted to temporary measures while many schools, particularly in cities and urban centers, continue to hold classes of 40 to more than 50 learners,” ani Bernardo.

Iginiit din ng grupo na hindi sapat ang planong 250,000 laptops para sa halos 900,000 public school teachers at kulang ito sa naunang pangakong mabibigyan ng laptop ang bawat guro.

“Mabilis ang ahensya sa pagdadagdag at pagpapabigat ng trabaho ng mga guro ngunit naiiwan sa paghahanda at napakakupad sa pagbibigay ng suporta sa mga guro. Paano naman namin mararamdaman ang ipinagmamalaking pagkalinga ng administrasyon sa mga guro kung walang nagbabago sa aming kalagayan sa pagtuturo? (The agency is quick to add to and worsen teachers’ workload but is slow to prepare and provide support for teachers. How are we supposed to feel the administration’s much-touted care for teachers when nothing changes in our teaching conditions?),” ani Bernardo.

Hinimok ng ACT ang administrasyong Marcos na bilisan at palawakin ang laptop program at tugunan ang kakulangan sa mga guro, education support personnel, at silid-aralan.

Bago ang deliberasyon ng Kongreso sa panukalang 2027 national budget, muling nanawagan ang grupo ng education budget na katumbas ng hindi bababa sa 6 porsyento ng gross domestic product, pagkuha ng mas maraming guro at support personnel, at pagtatayo ng dagdag na classrooms upang mapaliit ang bilang ng mga estudyante sa bawat klase.

Hiniling din nito ang ₱50,000 entry-level salary para sa mga guro, pagtaas ng Personnel Economic Relief Allowance sa ₱5,000, at pagkuha ng mga nakatalagang tutor para sa ARAL Program upang hindi na ito maging dagdag na trabaho ng mga regular na guro. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here