Napatay ang isang religious leader habang sugatan ang isang miyembro ng tribal council matapos tambangan ng riding-in-tandem suspects ang kanilang sasakyan sa Barangay Rizal, San Francisco, Agusan del Sur noong Biyernes ng hapon, Hulyo 31.
Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Pastor Balvino Andaya, 61, lider ng Risen Christ Community Church. Sugatan naman ang kasama niyang si Avelino Cajandig, 59, miyembro ng Banwaon Manobo Talaandig Tribal Council, na ginagamot sa isang hindi tinukoy na ospital.
Ayon sa imbestigasyon, sakay ang mga biktima ng Mitsubishi Montero Sport mula Barangay Del Monte sa Talacogon nang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek na sakay ng motorsiklo.
Dahil sa pamamaril, lumihis sa kalsada ang sasakyan at bumangga sa isang sari-sari store. Namatay si Andaya dahil sa maraming tama ng bala.
Narekober sa lugar ang ilang basyo at mga bala na isinumite para sa forensic at ballistic examinations.
Nag-utos ang Police Regional Office-13 ng malawakang imbestigasyon at pinaigting na manhunt laban sa mga suspek. Nagsagawa rin ng case conference sa San Francisco Municipal Police Station sa pangunguna ni PRO-13 Director Police Brig. Gen. Marcial Mariano P. Magistrado IV upang talakayin ang mga ebidensya, intelligence information, at progreso ng mga operasyon.
Sinabi ni PRO-13 Public Information Office chief Police Lt. Col. Jennifer S. Ometer na nagpapatuloy ang hot-pursuit at follow-up operations.
“Our ground personnel are in round-the-clock operation to solve this incident,” ani Ometer.
Inilunsad din ni Magistrado ang “Oplan: Cure” upang palakasin ang operational support at maipagpatuloy ang pagtugis sa mga salarin.
“We assure the public that PRO-13 is exhausting all available investigative and intelligence resources to ensure the immediate identification and arrest of those responsible for this senseless act of violence,” ani Magistrado.
“We also call on anyone with information that may aid the investigation to immediately coordinate with the nearest police station. Together, we can ensure that those responsible are held fully accountable under the law.”
Tiniyak ng PRO-13 na mananatili itong nakatuon sa mabilis, patas, at masusing imbestigasyon habang pinangangalagaan ang seguridad ng mga komunidad sa Caraga region. Mary Anne Sapico