Patay ang isang 80-anyos na lalaki matapos pagbabarilin sa loob ng kaniyang sport utility vehicle sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan, noong Linggo ng umaga.
Nagtamo ng mga tama ng bala sa dibdib at ulo ang biktima, na residente ng San Luis, Pampanga.
Bago ang krimen, nakuhanan sa CCTV camera ang suspek, na bayaw ng biktima, habang sakay ng motorsiklo at nakabuntot sa sasakyan nito. Hindi naman nakunan ang aktuwal na pamamaril.
Naaresto ang suspek makalipas ang ilang oras sa kaniyang bahay sa San Luis, Pampanga. Narekober sa kaniya ang motorsiklo at damit na nakita sa CCTV, gayundin ang isang baril na may mga bala ngunit walang kaukulang dokumento.
Hinihinalang alitan sa mana sa lupang sakahan ang motibo sa krimen. Ayon sa pulisya, tinubos umano ng biktima mula sa bangko ang titulo ng lupang nakasangla nang hindi ipinaaalam sa iba niyang kapatid.
Itinanggi ng suspek ang paratang at sinabing hiniram lamang niya ang baril.
Napag-alaman ding dati na siyang naaresto sa mga kasong frustrated murder at physical injuries. Mahaharap siya ngayon sa kasong murder. Mary Anne Sapico