Home TOP STORIES PBEd: May progreso na sa edukasyon, pero kailangan ng “all-hands” na aksyon...

PBEd: May progreso na sa edukasyon, pero kailangan ng “all-hands” na aksyon para matapos ang krisis sa pagkatuto

3
0

MANILA, Philippines – Kinilala ng Philippine Business for Education (PBEd) ang mga hakbang ng pamahalaan sa edukasyon, pero nanawagan ito ng mas mabilis at mas pinag-isang aksyon mula sa gobyerno, pribadong sektor, at civil society para tunay na masolusyunan ang krisis sa pagkatuto.

Sa 2026 State of Philippine Education press conference, sinabi ng business-led group na ang mas malaking budget at tuloy-tuloy na reporma ay magandang simula. Pero hindi ito sapat kung hindi maaabot ang bawat mag-aaral at hindi magpapatuloy ang mga programa kahit magpalit ng administrasyon.

Partikular na kinilala at pinuri ng PBEd ang Department of Education (DepEd), sa pamumuno ni Sec. Sonny Angara, para sa mga repormang nakatuon sa learning recovery at kalidad ng edukasyon.

Kabilang dito ang mga sumusunod:

1. ARAL Program — para sa academic recovery at accessible learning
2. Rasyonalisasyon ng Senior High School curriculum
3. Pagpapalakas ng Tech-Voc education at training

“Makabuluhan at kinakailangan ang mga hakbang na ito. Nagbibigay ito sa atin ng kumpiyansa na posible ang reporma,” sabi ni PBEd Executive Director Bal Camua.

Giit ng PBEd, ang laki ng krisis sa pagkatuto ay nangangailangan ng mga repormang mas mabilis, mas malawak, at pangmatagalan.

“Ang progresong kinikilala natin ngayon ay dapat ding magpaalala sa atin na marami pa ang kailangang gawin. Kailangan ng mga repormang naaabot ang bawat mag-aaral at nagpapatuloy kahit magpalit ng administrasyon,” dagdag ni Camua.

Para dito, iminungkahi ng PBEd na iangkla ang mga patakaran sa pangmatagalang layunin at suportahan ng matibay na governance, accountability, at evidence-based decision-making. Layunin nitong tiyaking ipagpapatuloy ng bawat administrasyon ang mga nasimulan sa halip na magsimula muli.

Samantala, muling pinagtibay ng PBEd ang pakikipagtulungan nito sa DepEd, CHED, TESDA, Kongreso, LGUs, pribadong sektor, at development partners para itulak ang mga repormang nakabatay sa ebidensya.

“Kailangan ng tuloy-tuloy na kolaborasyon sa iba’t ibang sektor upang matiyak na tuloy-tuloy ang implementasyon ng mga reporma at na bawat Pilipinong mag-aaral ay may kasanayang kailangan para magtagumpay sa paaralan, sa trabaho, at sa buhay,” ani Camua.

Para sa PBEd, ang susi para baligtarin ang dekada ng learning loss ay simple: gawing “all hands on deck” ang laban para sa edukasyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here