Home NATIONWIDE Importation ban sa pulang sibuyas, ipinatupad ‘gang Marso 2027

Importation ban sa pulang sibuyas, ipinatupad ‘gang Marso 2027

3
0

MANILA, Philippines — Hindi mag-aangkat ng pulang sibuyas ang Department of Agriculture (DA) hanggang Marso 2027 upang maprotektahan ang mga lokal na magsasaka, ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. nitong Martes.

Sinabi ni Tiu Laurel na sapat ang kasalukuyang suplay ng pulang sibuyas sa bansa upang matugunan ang pangangailangan ng mga mamimili.

“With the current supply in stock, we don’t have to import onions until March next year, for red,” sinabi niya sa sidelines ng inspeksiyon sa New Las Piñas City Public Market.

Aniya, makatutulong ang pagpigil sa importasyon upang mapangalagaan ang kita at kabuhayan ng mga lokal na nagtatanim ng sibuyas.

Gayunman, posibleng pahintulutan ng DA ang limitadong pag-aangkat ng puting sibuyas kapag kinapos ang suplay pagsapit ng Nobyembre.

“‘Yung white onion, baka maubusan tayo ng supply ng November so baka doon lang tayo mag-trigger ng konting quantity, very limited quantity,” ani Tiu Laurel, ngunit hindi pa natutukoy ang eksaktong dami.

Limitadong panahon lamang din maglalabas ng import clearance ang DA upang hindi makasabay ng imported na sibuyas ang ani ng mga magsasaka sa Nueva Ecija at Mindoro.

“Para nga hindi maapektuhan ang ating farmers sa Nueva Ecija, sa Mindoro, we will make sure na hindi iyan tatawid ng February,” sinabi niya.

Tiniyak din ni Tiu Laurel na ang paggalaw ng presyo ng sibuyas sa mga pamilihan ay dulot lamang ng mga suliranin sa logistics at hindi ng kakulangan sa suplay.

Batay sa DA-Bantay Presyo, nasa PHP70 hanggang PHP160 kada kilo ang presyo ng lokal na pula at puting sibuyas sa Metro Manila nitong Lunes.

Samantala, nasa PHP95 kada kilo ang imported na pulang sibuyas, habang PHP100 hanggang PHP150 kada kilo ang imported na puting sibuyas. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here