Home HOME BANNER STORY Gulo sa Senado, sinisi ng Palasyo sa pagkaantala ng pagpasa ng priority...

Gulo sa Senado, sinisi ng Palasyo sa pagkaantala ng pagpasa ng priority bills 

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malacañang na ang “political infighting” at paulit-ulit na pagbabago sa Senate leadership ang nagpabagal sa pagpasa ng mga priority measure ng administrasyong Marcos.

Ang pahayag na ito ng Malacañang ay matapos tawagin ni Senate Deputy Minority Leader Imee Marcos ang Senado na “palpak” pagdating sa pagpasa ng mga panukalang batas na kabilang sa priority bills ng pamahalaan.

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malacañang na ang legislative output ng Senado ay naapektuhan ng kaguluhan, pagbabago sa liderato, at napakatagal na political disputes.

Aniya, matapos ang pagbabago sa liderato, ang Senado ay inulan ng internal conflict, kabilang na ang three-day boycott ng session days bago ang sine die adjournment.

“Sino po ba ang nag-umpisa ng pagbabago ng liderato?” ani Castro.

“Noong nagkaroon po ng pagbabago ng liderato, nandoon na po iyong nagkaroon ng putukan ng Senado, nagkaroon na po ng gulo sa Senado, nagkaroon ng tatlong araw na sunod-sunod na hindi pagpunta at pag-attend sa sesyon,” dagdag na wika nito.

Tinuran ni Castro na ang yugto ay dapat magsilbing paalala sa mga public official na iprayoridad ang kapakanan ng mga tao kaysa sa political interests.

“Magsilbing aral sana ito sa lahat ng mga public servants na hindi puwedeng daanin sa ganitong klase ang pamumuno at ang dapat na laging manguna ay ang interes ng bayan, hindi ang sariling interes, hindi ang interes para lagi lang mamuno, kung hindi dapat ay para sa kabutihan ng bawat Pilipino,” ang winika ni Castro.

Nauna rito, pinuna ni Imee Marcos ang kanilang legislative performance sa Senado pagdating sa pagpasa ng mga panukalang batas na kabilang sa priority bills ng pamahalaan.

Ayon kay Marcos, kung nasa eskuwelahan lamang sila ay tiyak na lagpak o bagsak silang mga estudyante dahil mula sa nasa limampung priority bills ng administrasyon, dalawa pa lamang daw ang naipasa nila.

Kaugnay nito, sinabi niyang napakapalpak nila.

Ayon sa kanya, napakahalaga ng mga priority bill na nakapaloob dito, tulad ng Anti-Political Dynasty Law, pag-amyenda sa EPIRA, at maging sa Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children.

Puna naman niya, kung titingnan ang nangyari sa kanilang institusyon, nagkaroon sila ng apat na Senate President sa loob lamang ng isang taon.

Maliban pa rito, sinabi ni Marcos na marami pang pamumulitikang nangyari, tulad ng dalawang impeachment na dumaan sa kanila, kung saan inaasahan pang aabutin ng pito hanggang siyam na buwan ang paglilitis ngayon.

Sa huli, sinabi ng senadora na nanghihinayang siya sa nasasayang na panahon at maging sa nagagastos araw-araw, kaya ang panawagan niya ngayon ay itigil na ang pulitika at tutukan na ang pagsasabatas ng mga panukalang batas. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here