Home NATIONWIDE PBBM, itinutulak pagpasa ng priority bills ngayong 2026

PBBM, itinutulak pagpasa ng priority bills ngayong 2026

1
0

MANILA, Philippines – GUSTO ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na maipasa ngayong taon ang panukalang Promoting Growth, Revenue, and Equity towards Socio-Economic Sustainability (ProGRESS) bill.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na patuloy pang inaaral ng Department of Finance (DOF) ang panukalang batas na inaasahang makalilikha ng P191.77 bilyon upang i-offset ang revenue losses mula sa binalangkas na tax relief measures.

Nang tanungin si Castro kung isesertipika ba ito ng Pangulo bilang urgent bill, sinabi niyang nananatiling nirerebisa ang nasabing panukalang batas.

“Sa ngayon po ay inaaral pa. Working on it ang DOF at alam naman po ng Pangulo na kasalukuyan itong binubusisi ng DOF kasi nais po ng Pangulo na ito ay maipasa sa pinakamabilis na panahon,” ang tinuran ni Castro.

Nang uriratin si Castro ukol sa package, na nangangailangan ng P326 bilyong pondo habang lumilikha ng P518.71 bilyon mula 2027 hanggang 2030, tiniyak niyang ang panukalang tax reforms ay hindi magiging pabigat sa mga ordinaryong mamamayan, kabilang na ang middle-income earners.

Sinabi pa ni Castro na pangunahing maaapektuhan ang luxury goods, gaya ng high-end vehicles.

“So, hindi naman po ang middle income ang usually maapektuhan ng binabalak po na mga tax reform,” ani Castro.

Binigyang-diin pa ni Castro na ang panukalang mas mataas na buwis sa sugary drinks, single-use plastics, at vape products ay naglalayong manghikayat ng “healthier lifestyles at i-promote ang public health.”

“Ito naman ay patungkol sa kalusugan. Mas maganda maiwasan kung tayo ay magkukonsumo ng napakatamis na mga kakanin o pagkain o inumin,” anito.

Sa SONA, inanunsyo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang panibagong tax reform package na magtataas sa taunang tax-exempt income threshold sa ₱350,000, mag-aalis ng minimum corporate income tax para sa mga MSME, at magbibigay ng tax amnesty sa ilang hindi nabayarang buwis at kaukulang multa.

Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, dapat maging patas at makatarungan ang tax system para mas maraming manggagawa, magsasaka, mangingisda, maliliit na negosyante, at mga pamilyang mababa ang kita ang makinabang sa paglago ng ekonomiya.

Sinabi ng senador na susuportahan niya ang anumang repormang magpapalaki sa take-home pay ng mga manggagawa para sa kanilang pamilya.

Hiniling din niya na ang anumang karagdagang kita mula sa tax reforms ay ilaan sa mga programang direktang pakikinabangan ng publiko, lalo na sa sektor ng agrikultura at pangingisda.

Ipinahayag din ni Pangilinan ang kahandaang makipagtulungan sa mga kasamahan sa Senado upang mapag-aralang mabuti ang panukala at sa administrasyon upang maisulong ang isang tax system na patas, may pananagutan, at nakatuon sa inclusive economic growth. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here