Home HOME BANNER STORY P10 fuel subsidy, pinalawig ‘gang katapusan ng Agosto — Malacañang

P10 fuel subsidy, pinalawig ‘gang katapusan ng Agosto — Malacañang

1
0

MANILA, Philippines – INANUNSYO ng Malacañang na pinalawig ng gobyerno ang umiiral na P10-per-liter fuel subsidy para sa public utility vehicle (PUV) drivers at operators hanggang katapusan ng Agosto upang pagaanin ang epekto ng mas mataas na presyo ng langis.

Ang subsidiya, na sinimulan noong Abril 14, ay orihinal na itinakdang tumakbo hanggang Hulyo 2026, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na pinalawig ng gobyerno ang umiiral na fuel discount habang ang panukalang itaas ang tulong sa P20 kada litro ay nananatiling sumasailalim sa pagrerebisa.

Nauna rito, nagsumite ang LTFRB ng panukala sa Malacañang na humihiling na itaas ang fuel subsidy para sa lahat ng PUV sa P20 kada litro sa loob ng isang buwan bunsod ng serye ng oil price hikes.

Ani Castro, ang nasabing panukala ay nananatiling pinag-uusapan ng Office of the Executive Secretary, Department of Transportation (DOTr), at Economic Team ng gobyerno.

“Nakausap natin mismo si (DOTr) Secretary Banoy (Giovanni Lopez) at mayroon po siyang pakikipagpulong sa Office of the Executive Secretary para pag-usapan ang mga detalye patungkol dito. Pero sa ngayon ay patuloy pa rin, extended hanggang katapusan ng August ang 10-peso per liter fuel discount or subsidy,” ang sinabi ni Castro.

Ani Castro, nakipagpulong na si Transportation Secretary Giovanni Lopez sa Office of the Executive Secretary para talakayin ang mga detalye ng panukala. Idinagdag pa niya na ang mga kinauukulang ahensiya ay gumagawa ng paraan upang magkaroon ng konkretong resolusyon.

“Pag-uusapan po ng Office of the Executive Secretary, DOTr and Economic Team para po mas magkaroon ng kongkreto at detalyeng resolusyon patungkol diyan,” ang sinabi ni Castro. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here