Home METRO Stepdad arestado sa paggulpi, pagpatay sa 2-anyos sa Biliran

Stepdad arestado sa paggulpi, pagpatay sa 2-anyos sa Biliran

1
0

TACLOBAN CITY — Arestado ang isang 27-anyos na lalaki matapos umanong mapatay ang kaniyang 2-anyos na stepson sa kanilang bahay sa Barangay Catmon, Naval, Biliran, noong Sabado ng gabi, Agosto 1.

Kinilala lamang ng Biliran Police Provincial Office ang suspek sa alyas na “Rey.” Namatay ang bata dahil sa traumatic brain injury.

Ayon sa pulisya, natagpuang walang malay ang biktima malapit sa kanilang bahay dakong alas-10:30 ng gabi. Isinugod siya sa ospital ngunit idineklarang dead on arrival.

Napansin ng mga rumespondeng pulis ang matinding pinsala sa likod ng ulo ng bata, dahilan upang makipag-ugnayan ang Naval Municipal Police Station sa Biliran Provincial Forensic Unit para sa pagproseso sa crime scene at forensic examination.

Sa imbestigasyon ng Women and Children Protection Desk at General Investigation Section, natukoy ang stepfather ng bata bilang umano’y salarin.

Sinabi ng pulisya na ikinuwento ng 4-anyos na kapatid ng biktima na dalawang beses umanong sinuntok ng suspek ang bata bago ito itinulak sa lupa. Nawalan umano ng pasensiya ang suspek dahil sa patuloy na pag-iyak ng bata.

Matapos makapagtatag ng probable cause, inaresto ang suspek, ipinaalam sa kaniya ang kaniyang mga karapatan sa ilalim ng Miranda Doctrine sa wikang nauunawaan niya, at ikinulong sa Naval Municipal Police Station.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kasong murder laban sa suspek para sa inquest proceedings. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here