Home NATIONWIDE P40M ‘iligal’ na paputok mula Tsina, nasabat ng BOC sa MICP

P40M ‘iligal’ na paputok mula Tsina, nasabat ng BOC sa MICP

1
0
(c) Eric Ocapan

MANILA, Philippines – TINATAYANG nasa P40 milyon halaga ng mga ismagel na paputok at pyrotechnic devices na nagmula sa China ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Manila International Container Port (MICP).

Ayon sa BOC, dalawang shipment na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱20 milyon bawat isa ang natukoy ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) matapos makatanggap ng impormasyon na naglalaman ang mga ito ng mga ipinagbabawal na paputok.

Batay sa rekord, ang unang shipment ay idineklarang “shelves” at kalaunan ay boluntaryong inabandona ng consignee, habang ang ikalawang shipment naman ay idineklara bilang “ceramic cups.”

Gayunman, nang sumailalim sa physical examination ang dalawang container, tumambad ang iba’t ibang uri ng mga firecrackers at pyrotechnic devices na taliwas sa deklarasyon ng mga importer.

Ayon kay Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno, patunay ang pagkakasabat na epektibo ang screening process ng ahensya laban sa smuggling.

“Kung makikita natin, epektibo ang screening process natin. Iba’t ibang klaseng kontrabando ang nahaharang natin, kaya sana itigil na ng mga smugglers ang illegal na importasyon. Mauubos lang ang puhunan niyo,” ani Nepomuceno.

Ipinaalala ng BOC na mahigpit na ipinagbabawal ang pag-aangkat ng mga finished firecrackers at pyrotechnic devices alinsunod sa Republic Act No. 7183 at sa ipinatutupad nitong implementing rules and regulations.

Matapos ang kaukulang proseso, isasailalim ang mga nakumpiskang paputok sa turnover sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan para sa pagsasampa ng kaso at tamang disposal.

Samantala, sinabi ng BOC-MICP sa pamumuno ni District Collector Atty. Geoffrey K. De Vera IV na higit pang paiigtingin ang kampanya laban sa pagpasok ng mga ipinagbabawal at misdeclared na produkto sa bansa, bilang bahagi ng mas pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa smuggling at economic sabotage. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here