Home METRO Akala vape: Rider naputulan ng daliri sa pinulot na bomba

Akala vape: Rider naputulan ng daliri sa pinulot na bomba

2
0

MANILA, Philippines – Naputulan ng daliri at nagtamo ng mga sugat ang isang 34-anyos na motorcycle rider matapos pulutin ang isang improvised explosive device sa Maynila na inakala niyang vape.

Makikita sa video mula sa Sta. Ana Police Station ang lalaki habang kinakalikot ang isang bagay sakay ng kaniyang motorsiklo sa harap ng isang pampublikong pamilihan sa Pedro Gil bago ito sumabog sa kaniyang mga kamay.

Agad siyang tinulungan ng kaniyang live-in partner at mga nakasaksi, habang isinugod siya sa ospital ng isang tricycle driver.

“Pagharap sa akin, puno na ng dugo yung lalaki,” ayon sa tricycle driver na kinilalang si Vic.

Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa mukha, tiyan, at mga kamay. Dinala rin siya sa orthopedic center, kung saan kinailangang putulin ang isa niyang daliri.

Kinordon ng mga awtoridad ang lugar noong Lunes ng gabi habang iniimbestigahan ng Scene of the Crime Operatives at Manila Police District’s Explosive and K-9 Unit ang pagsabog.

Bagaman siya lamang ang nasugatan sa insidente, inaresto ang lalaki dahil sa umano’y illegal possession of explosives.

“Dapat, ang ginawa talaga niya, is upon checking nung ganoong gamit, tumawag siya sa barangay o sa pulis kaagad para ma-check,” ani Police Lt. Col. Richard Villanueva.

Sinabi ni Villanueva na may mga nauna nang insidente ng mga taong nasugatan matapos aksidenteng pulutin ang mga pampasabog. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here