Home METRO Senior na ginang dedo, anak sugatan sa Makati hotel shooting

Senior na ginang dedo, anak sugatan sa Makati hotel shooting

1
0

MANILA, Philippines – Patay ang isang senior citizen habang sugatan naman ang kanyang anak na babae matapos pagbabarilin ng nag-iisang armadong suspek sa harap ng isang hotel sa Makati noong Lunes ng gabi, Agosto 3.

Dead on arrival sa Makati Medical Center (MMC) ang 63-taong-gulang na inang si alyas Annie sanhi ng isang tama ng bala sa ulo, samantalang kasalukuyan namang naka-confine at ginagamot sa nabanggit ding ospital ang 26-taong-gulang niyang anak na si alyas Ayanna dahil sa tinamong tama ng bala sa katawan.

Batay sa report ng Makati City Police na natanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. Gen. Glenn Oliver C. Cinco, naganap ang insidente ng pamamaril bandang alas-6:46 ng gabi malapit sa entrance ng isang hotel na matatagpuan sa kanto ng Makati Avenue at Durban Street, Barangay Poblacion, Makati City.

Sa isinagawang inisyal na imbestigasyon ng Makati City Police, nakatayo sa bandang kaliwang bahagi ng entrada ng nasabing hotel ang mga biktima na tila may hinihintay nang lapitan ang mag-ina ng nag-iisang suspek. Nakasuot ito ng bull cap, puting T-shirt, maong na shorts at puting sapatos, at armado ng hindi pa batid na kalibre ng baril. Agad nitong pinaputukan ang mga biktima.

Matapos ang pamamaril, mabilis na tumakas ang suspek patungo sa direksyon ng Kalayaan Avenue.

Ayon kay Cinco, agad na naglunsad ng dragnet operation ang Makati City Police para sa posibleng pag-aresto sa suspek habang sinusuri ang mga nakalap na video footage, kabilang ang backtracking at forward tracking ng mga closed-circuit television (CCTV) sa lugar.

Kasabay nito, sinabi rin ni Cinco na bumuo na ang Southern Police District (SPD) ng isang Special Investigation Team (SIT) na tututok sa pangangalap ng ebidensya, intelligence operations at case build-up para sa pagtugis sa gunman.

Tiniyak din ni Cinco sa naiwang pamilya ng mga biktima na ginagamit na ng pulisya ang lahat ng kanilang kakayahan at resources upang makilala at maaresto ang suspek. Nanawagan din siya sa mga nakasaksi, gayundin sa sinumang may CCTV o dashcam recordings ng insidente, na makipag-ugnayan sa Makati City Police dahil malaki ang maitutulong ng mga ito sa pagsasagawa ng imbestigasyon at pagresolba sa kaso.

(James I. Catapusan, Kathleen Calixtro, Eugie Alcoba, Geneva Ravina, Aerith Buyo, Gabrielle Ann C. Venus, Orianna Santero & Johndave Idaosos)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here