MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Batangas Rep. Leandro Legarda Leviste si National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag kung bakit hindi ipinapatawag si Executive Secretary Ralph Recto sa imbestigasyon sa umano’y “honeytrap” plot.
Sa Facebook post, sinabi ni Leviste na dapat tanungin si Recto kung personal niyang kilala ang talent manager at mga babaeng talent na iniuugnay sa sinasabing plano.
“Melvin Matibag: Kung ‘no one is above the law,’ bakit hindi si Ralph Recto ang ipatawag, para malaman kung personal ba niyang kilala o hindi yung talent manager at talents ng Vivamax?” ani Leviste.
Ayon sa NBI, si Recto ang umano’y target ng planong pagawin ang apat na babae ng gawa-gawang salaysay na pinilit sila ng mga opisyal ng pamahalaan na makipagtalik at gumamit ng ilegal na droga. Itinuturong mga utak umano ng plano sina Leviste at dating Negros Oriental Rep. Jacinto “Jing” Paras.
Naunang sinabi ni Matibag na padadalhan ng subpoena sina Leviste at Paras. Bilang tugon, inilabas ni Leviste ang lumang mensahe ni Matibag na bumabati sa kanya matapos siyang manalo sa 2025 elections.
“Congrats, Cong. Lian! I’m so proud of you. I hope I get to live long enough to see you one day leading our country. It’s such an honor to know you. God bless you always!” saad sa mensahe.
Sinabi naman ni Matibag na hindi mahalaga ang dati nilang ugnayan dahil walang sinuman ang nakahihigit sa batas.
Natuklasan umano ng NBI ang plano sa entrapment operation noong Hulyo 28 sa isang hotel sa Malate, Manila, kung saan inaresto ang talent manager na si Lito de Guzman at inilagay sa protective custody ang limang babaeng talent.
Sinabi umano ni De Guzman sa mga imbestigador na inutusan siya ni Paras na kumuha ng apat na babae upang gumawa ng pekeng mga paratang laban kay Recto kapalit ng kabuuang P5 milyon. Ayon kay Matibag, itinuro rin ni De Guzman si Leviste bilang umano’y financier ng plano.
Kapwa itinanggi nina Leviste at Paras ang pagkakasangkot.
“Wala akong kinalaman sa diumano’y pambababae ni Recto sa Rockwell. Mapapatunayang hindi ko kailanman nakausap ang mga taong ito. Maaaring si Recto ang sumagot kung kilala niya sila. Hindi ko nais makialam sa kanyang personal na buhay,” ani Leviste sa naunang Facebook post.
Hindi pa sumasagot si Recto sa pinakahuling pahayag ni Leviste nang mailathala ang ulat.
Nauna nang nagpalitan ng mga paratang ang dalawang politiko mula Batangas. Inakusahan ni Leviste si Recto na nakipagtulungan umano sa ibang mga mambabatas upang mangalap ng campaign funds para kina Batangas Governor Vilma Santos Recto at anak nitong si Luis Manzano noong 2025 elections.
Itinanggi ito ni Recto at ng kanyang mga kaanak. Tinawag ni Recto si Leviste na “crazy and a liar” at inakusahan itong nag-alok umano ng P1 bilyon upang umatras si Santos-Recto sa gubernatorial race, bukod sa iba pang sinasabing tangkang panunuhol. RNT