MANILA, Philippines – Tinawag na “unusual” ni Commission on Audit (COA) state auditor Roderick Wamil ang 111 confidential-fund disbursements na umaabot sa ₱17 milyon na ginastos sa loob lamang ng isang araw.
Sa testimonya ni Wamil sa ika-13 araw ng senate impeachment trial lumabas ang naturang detalye nang itanong ito ni Senator-judge Kiko Pangilinan, giit ng senator-judge na base sa kanyang pagsusuri ay may 111 disbursements na may petsang Disyembre 23, 2022.
Sinabi ni Wamil na wala siyang datos sa harapan niya para kumpirmahin ang bilang, aniya, wala namang tuwirang probisyon ang Joint Circular No. 2015-01 na naglalatag ng daily limit sa bilang ng confidential-fund disbursements.
Nang tanungin kung regular o irregular ang naturang dami ng transaksyon, sinabi ni Wamil: “I wouldn’t know po. That’s unusual po, pero I wouldn’t know if it’s irregular.”
Binalikan din ni Pangilinan ang pulong noong Setyembre 2023 kung saan tinanong ng mga opisyal ng OVP at Department of Education (DepEd) ang COA’s Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) kung maaaring mag-isyu ng “audit query” imbes na Audit Observation Memorandum (AOM) kapag may nakitang deficiencies.
Kinumpirma ni Wamil na tinanggihan ito ng ICFAO dahil hindi kabilang ang audit query sa mga audit actions na pinapahintulutan ng batas.
Nang tanungin kung ang pag-isyu ng hiniling na audit query ay lalabag sa sarili nitong issuance, sinabi ni Wamil na hindi ito sanctioned na dokumento.
Ayon kay Pangilinan, ito ang dahilan kung bakit tumanggi ang ICFAO sa hiling at nagpatuloy na lang sa pag-isyu ng AOM. Kinumpirma ni Wamil na hindi nagbigay ang kanilang opisina ng audit query.
“Yes po, hindi po kami nagbigay, Your Honor,” pagtitiyak niya.
Samantala, idiniin din ni Wamil na ang pinuno ng isang ahensya ng gobyerno ang may immediate at primary responsibility sa public funds sa ilalim ng kanyang opisina.
Nang itanong ni Senator-judge Risa Hontiveros kung sino ang maaaring managot sa pera ng gobyerno na hawak ng isang ahensya sinabi ni Wamil na ang “Disbursing officer, accountant, treasurer, project officer at ang head ng agency.
Ayon sa Section 101 ng PD 1445, lahat ng government officer na ang tungkulin ay may kinalaman sa pag-iingat o custody ng public funds ay may pananagutan para sa kaligtasan nito, samantalang ang Section 102 naman ay nagsasaad na ang agency head ay responsable sa lahat ng pondo at ari-arian ng gobyerno na kaugnay ng kanyang ahensya.
Naunang tinukoy ni Wamil sa kanyang testimonya ang mga lagda ni Vice President Sara Duterte sa mga dokumento ukol sa planning, disbursement, accomplishment, at liquidation na sumasaklaw sa confidential funds ng OVP at DepEd.
Iginiit nito na ang mga lagdang ito ay nagpapahiwatig ng pag-apruba, sertipikasyon, o attestation ni VP Duterte sa nilalaman ng mga naturang dokumento. Gail Mendoza