MANILA, Philippines – Kabilang sa susunod na mga testigo ng prosecution para sa pagpapatuloy ng Impeachment trial sa Agosto 10, 11 at 12 sina dating special disbursing officer Gina Acosta ng Office of the Vice President (OVP) at Edward Fajarda ng Department of Education (DepEd), na kapwa dating tauhan ni Vice President Sara Duterte.
Nagpalabas din ng subpoena ad testificandum, subpoena duces tecum para kina Acosta at Fajarda gayundin ang subpoena para kay Commission on Audit (COA) Intelligence and Confidential Funds Audit Office Supervising Auditor Celine May Del Campo at House Legislative Information Resources Management Department Director Marivic Pareja.
Si Del Campo, na nagsimulang tumestigo noong Miyerkules, ay inaasahang ipagpapatuloy ang kanyang testimonya kapag nagbukas muli ang paglilitis sa susunod na linggo.
Ang ₱612.5 milyong sinusuri ay binubuo ng ₱500 milyong confidential funds na inilabas sa OVP para sa ikaapat na quarter ng 2022 at unang tatlong quarter ng 2023, at ₱112.5 milyong inilabas sa DepEd para sa unang tatlong quarter ng 2023, noong si Duterte ay education secretary pa.
Naunang tumestigo sa paglilitis ang dating department manager ng Land Bank of the Philippines (LandBank) na si Violeta Constantino, na nagsabing ni-encash ni Acosta ang apat na Treasury check na tig-₱125 milyon, kabuuang ₱500 milyon, para sa OVP noong Disyembre 2022, Pebrero 2023, Abril 2023, at Hulyo 2023.
Samantala, tumestigo naman ang dating department manager ng LandBank na si Nenita Camposano na ni-encash ni Fajarda ang tatlong Treasury check na tig-₱37.5 milyon, kabuuang ₱112.5 milyon, para sa DepEd noong Pebrero, Abril, at Hulyo 2023.
Kinilala naman ni COA state auditor Roderick Wamil sina Acosta at Fajarda bilang mga special disbursing officer na tumanggap ng confidential funds at nagsumite ng liquidation documents para sa kani-kanilang tanggapan.
Sa press conference matapos ang pagdinig noong sinabi ni private prosecutor Lorna Kapunan na sina Acosta at Fajarda ang mga payee na nakikilala sa mga LandBank check na naunang ipinresenta ng prosecution. Gail Mendoza