Home METRO Nag-amok na welder na armado ng baril, tiklo sa Pasay

Nag-amok na welder na armado ng baril, tiklo sa Pasay

1
0

MANILA, Philippines – Nadakip ng mga tauhan ng Pasay City police Malibay Substation ang isang 25-anyos na welder matapos umanong maghasik ng kaguluhan sa pamamagitan ng pagwawasiwas ng hindi lisensyadong baril at naghahamon ng away sa mga dumaraan Martes ng hatinggabi, Agosto 4.

Kinilala ni Pasay City police chief P/Col. Joselito De Sesto ang suspek na si alyas Anwar, tubong Subic, Zambales.

Base sa report na natanggap ni De Sesto, inaresto ang suspek bandang 12:10 ng madaling araw sa kahabaan ng Kapisanan Street, Barangay 162, Malibay, Pasay City.

Ayon kay De Sesto, nagsimula ang operasyon matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen tungkol sa isang lalaking hayagang may dalang baril at nanghihikayat sa mga dumaraan na makipagsuntukan.

Nang makarating ang impormasyon sa pullisya ay agad na rumesponde ang mga operatiba ng Malibay Substation sa naturang lugar kung saan natunton ang suspek at sa pamamagitan ng mahinahong pakikipag-usap at mga babalang taktikal ay napasuko nila ito at kusang isinuko ang kanyang baril bago dinala sa kustodiya ng pulisya.

Nakumpiska mula sa suspek ang isang .38-caliber revolver na kargado ng dalawang bala.

Sa isinagawang beripikasyon, napag-alamang walang lisensya ang naturang baril dahil nabigo ang suspek na magpakita ng anumang balidong permit o legal na dokumento na nagbibigay sa kanya ng karapatang magmay-ari o magdala nito.

Kasalukuyang nakapiit ang suspek sa custodial facility ng Pasay City Police at nahaharap sa kasong paglabag sa Article 155 (Alarms and Scandals) ng Revised Penal Code at Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here