MANILA, Philippines -Dalawang indibidwal na umano’y sangkot sa serye ng mga insidente ng pagnanakaw at holdapan ang sugatan matapos pagbabarilin ng dalawa pang suspek dahil sa alitan sa paghahati ng kita o onsehan sa droga sa Makati City noong Sabado ng umaga, Agosto 1.
Ayon sa pulisya, naganap ang insidente ng pamamaril bandang alas-1:00 ng madaling araw sa Hiwaga Street, Barangay Olympia, Makati City.
Batay sa imbestigasyon, pinaniniwalaang nagsimula ang komprontasyon dahil sa pagtatalo sa paghahati ng kinita mula sa pinagbentahan ng ilegal na droga.
Ang mga biktima nakilalang sina alyas na Christian, 26, at Khen, 23, na kapwa nagtamo ng tama ng bala sa kanang braso at kasalukuyang nagpapagaling habang ginagamot sa Makati Medical Center (MMC).
Kinilala naman ng Makati City police ang dalawang nakatakas na suspek na sina alyas Rudy, 34, residente ng Pasay City, at alyas Teejay, 31, ng Barangay Tejeros, Makati City, na kapwa iniuugnay sa mga kaso ng pagnanakaw at holdapan sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.
Narekober sa pinangyarihan ng insidente ang isang itim na Yamaha Aerox motorcycle, isang tactical vest na may markang “SWAT,” mga lata ng spray paint, at mga damit na may bahid ng dugo.
Natagpuan din kalaunan sa dinaanan ng mga tumatakas na suspek ang isang 9mm na baril at isang .45-caliber na pistol.
Nasamsam din ng mga pulis ang isang asul-itim na Honda Click motorcycle na pinaniniwalaang ginamit ng mga suspek bilang getaway vehicle, kasama ang mga damit at iba pang ebidensyang may kaugnayan sa krimen.
Ayon kay Southern Police District (SPD) director /Brig. Gen. Glenn Oliver Cinco, nagpapatuloy ang pagsasagawa ng intelligence operations upang matunton at maaresto ang mga suspek na nananatiling nakalalaya hanggang sa kasalukuyan. James I. Catapusan