MANILA, Philippines – Tiniyak ni Insurance Commission (IC) Commissioner Reynaldo Regalado ang kanyang buong pakikipagtulungan sa Office of the Ombudsman matapos siyang isailalim sa preventive suspension kaugnay ng reklamong inihain ng isang insurance firm.
Sa pahayag, sinabi ni Regalado na iginagalang niya ang kapangyarihan ng Ombudsman at nananatili siyang kumpiyansa na patas na susuriin ang mga alegasyon batay sa mga ebidensya at umiiral na batas.
Nag-ugat ang reklamo ng SCCI Management and Insurance Agency (SCCI) sa umano’y pagbibigay ng pabor ni Regalado sa isang consortium na na-accredit sa ilalim ng Passenger Personal Accident Insurance Program (PPAP).
Iginiit ng SCCI na huli umanong nagsumite ng mga kinakailangang dokumento ang consortium, hindi nito natugunan ang mga rekisito sa accreditation, at hindi agad kumilos ang IC sa kanilang mga kahilingan para sa mga dokumento.
Sa kanyang counter-affidavit, sinabi ni Regalado na naaayon sa umiiral na mga circular ang naging accreditation at pareho lamang ang naging pamantayan sa pagsusuri. Aniya, agad ding tinugunan ng IC ang mga kahilingan ng SCCI.
Nauna nang sinabi ng IC na pinagtibay ng Manila Regional Trial Court Branch 180 ang bisa ng Circular Letter No. 2025-17 at idineklarang hindi lumalabag sa anumang batas o regulasyon ang accreditation ng ikatlong insurance pool. RNT/JGC