MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ni House Committee on Justice chairperson at Batangas 2nd district Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang desisyon ng Supreme Court na ibasura ang dalawang petisyon na kumukuwestiyon sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Luistro, pinagtibay ng Korte Suprema ang mga mekanismo ng Konstitusyon at ang prinsipyo na walang lingkod-bayan, kahit ang pangalawang pinakamataas na opisyal ng bansa, ang nakatataas sa pananagutan.
Sinabi rin niya na dahil itinuring ng Korte na naging “moot” ang mga petisyon matapos maipadala ang articles of impeachment sa Senado, maaari nang magpatuloy ang proseso ng impeachment trial.
Nanawagan si Luistro sa publiko na igalang ang Konstitusyon, sundin ang batas, at hayaan ang Senado na gampanan ang tungkulin nito nang may kalayaan, pagiging patas, at walang kinikilingan.
Patuloy ang impeachment trial sa Senado sa pamumuno ni Senate President Francis “Chiz” Escudero. Kinasasangkutan ng kaso ang umano’y maling paggamit ng P612.5 milyong confidential funds, hindi tapat na SALN, hindi maipaliwanag na yaman, at mga umano’y pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez. RNT/MDS